MAY sinulat na web series si Alessandra de Rossi na dalawang taon na raw nakatago pero kamakailan lang niya ulit ito nasilip dahil may producer na nagkainteres sa materyal.
Kuwento ni Alex, “Honestly, nu’ng sinulat ko ito (script), ako talaga ang direktor, kaso kasama ako sa artista, e, naging series siya, hindi ko na kaya (magdirek) mamamatay na ako. It’s all about the ‘diary of 30 (edad) something.’
“So para ito sa may mga edad na 30 something women na may mga pinagdadaanan, single wala pang asawa or may anak pero walang asawa, o isang gustong single forever na may career ka na at may bilbil at eyebags. Masaya ‘yung kuwento,” unang kuwento ng aktres.
Sa tanong namin kung sino ang mga artista, “Sasabihin ko na para hindi maagaw, sina Anna Capri, Meryll Soriano, Carla Humphries, Karen delos Reyes, and Andoy Ranay. Pinag-uusapan pa lang kung sino ang direktor, ‘wag muna ‘yun.”
Nagulat kami sa bagong kinakarir ngayon ni Alessandra dahil ang alam namin ay pag-arte lang ang forte niya, kaya tinanong namin kung nag-aral ba siya ng scriptwriting.
“No, hindi ako nag-aral magsulat same rin na hindi ako nag-aral kumanta at hindi rin ako nag-aral magsulat ng kanta, pero nagagawan naman ng sakto lang.
“Alam ko kasing isyu sa ibang tao ang hindi nakatapos ng pag-aaral, ako nga hindi ako nakatapos ng high school, hindi ako graduate,” pagtatapat ng aktres.
Kaya mas lalo kaming humanga kay Alessandra dahil sobrang talented talaga ng dalaga. May mga nagpayo rin sa aktres na umupo siya sa scriptwriting class ni Ricky Lee pero tumanggi ang aktres.
“Ayoko, kasi kapag ginawa ko ‘yun, e, di pare-pareho kami ng style, di wala na ring naiba. So ako, knowing myself, I think darating ako sa point na aaralin ko ‘yan in the future.
“Sa ngayon, gusto kong makita ‘yung kaya kong gawin na wala akong ideya. Kilala ko sarili ko, since ang tatay ko ay Marine, sobrang disiplinado ako, kung ano ‘yung sinabi mong gagawin ko, ‘yun lang ang gagawin ko, kapag binigyan mo ako ng structure, ‘yun lang ang susundin ko, so mas magandang endless lang ‘yung possibility ko kung ano ‘yung kaya kong gawin,” sabi ng leading lady ni Empoy Marquez sa pelikulang “Kita Kita” mula sa Spring Films.
Tinanong namin nang diretso si Alessandra kung alam na ito ng manager niyang si Erickson Raymundo ng Cornerstone, “Yes alam niya. Sila ang tumulong sa aking mag-pitch, sila actually ang nagkuwento.”
Nag-offer bang i-produce ng Spring Films ang pelikula ni Alex, “Nag-offer din, pag-iisipan ko pa. Kasi pinag-iisipan ko kung ako na lang din magpo-produce kasi minsan mas maganda kung ako na lang kasi ako ‘yung masusunod, di ba, we’ll see,” sagot ng aktres.
Mga kaibigan daw ng dalaga ang mga bida sa kuwento ng pelikula niya at matagal na niyang naisip na, “Dapat talaga may project ‘tong magkakaibigan na ito, eh. Para makita ‘yung chemistry namin kasi nakakatawa talaga kami kapag pinagsama-sama mo. Ibat’ ibang klase ng tao, iba’t ibang values, pero at the end of the day, mahal ang isa’t isa.”
Based daw ang story ng pelikula niya kung paano magsalita ang mga kaibigan niya at kung anu-ano ang character ng mga ito, “Siyempre ‘yung mga events, pinag-jamble-jamble na base sa karanasan nila, pero hindi literal kung paano nangyari sa kanila, ganu’n. Funny lang, feeling ko parang Sex In The City, mas Pinoy ang values,” paliwanag ni Alessandra.
Tinanong namin kung may boyfriend na si Alex, “Si Empoy lang po ang lalaki sa buhay ko,”tumawang sagot ng dalaga.
Hirit namin, baka seryosohin na siya ni Empoy sa kabibiro niya, “Ha!?” ang nasambit lang ng dalaga.
nyway, mapapanood na ang “Kita Kita” sa Hulyo 12 mula sa Spring Films at distributed ng Viva Films mula sa direksyon ni Sigrid Andrea Bernardo.