Kim may bagong sorpresa para sa Kimerald


SIGURADONG ngayon pa lang ay atat na atat nang mapakinggan ng mga tagasuporta ni Kim Chiu ang mga bagong kanta na nakapaloob sa kanyang bagong album.

Ibinalita ng Kapamilya actress na sa kabila ng kanyang busy schedule dahil sa taping ng teleserye nila ni Gerald Anderson na Ikaw Lang Ang Iibigin, ay nagawa pa rin niyang maglaan ng panahon para sa recording.

Sa kanyang Instagram account, nag-post ng litrato si Kim na kuha sa loob ng recording studio, nilagyan niya ito ng caption na: “Finished recording all my songs!!! heard all the rough mix and now im soooo excited for you guyz to hear it!!!??? omg!”

Nagpasalamat din siya sa Star Music sa tiwalang ibinigay sa kanya para makagawa uli ng bagong album na matagal nang nire-request ng kanyang mga fans.

Samantala, nananatiling fit na fit pa rin ngayon ang dalaga dahil sa serye nilang Ikaw Lang Ang Iibigin na napapanood bago mag-It’s Showtime. Matindi pa rin daw kasi ang challenge ng role nila ni Gerald, pati na rin ng co-star nilang si Jake Cuenca bilang mga triathletes sa kuwento.

Kuwento ni Kim, naging bahagi na kasi ng lifestyle nila ang pagtakbo at regular na training sa gym. In fairness, kapag hindi raw siya nakakatakbo ay parang nanghihina siya, talagang hinahanap-hanap na niya ito.

Sa pagpapatuloy ng kuwento, hindi magiging madali para kina Bianca (Kim) at Gabriel (Gerald) ang pakikipaglaban para sa kanilang pag-iibigan. Pilit silang paghihiwalayin ng mga taong kontra sa kanilang relasyon.

Pero siyempre, hindi pa rin mawawala ang mga kilig moments ng Kimerald na siyang nagpapa-good vibes sa kanilang mga tagahanga. Kaya nga patuloy na humahataw sa ratings game ang Ikaw Lang Ang Iibigin at bawat episode ay talagang pinag-uusapan sa social media.

Read more...