MULA nang ipinalabas ang hugot movie na “That Thing Called Tadhana,” tumatatak na sa isip ng mga Pinoy na kapag ikaw ay broken-hearted, walang ibang lugar hihilom sa iyong wasak na kundi ang Sagada sa Mt. Province.
Dahil dito, maraming tao ang sumusugod sa Sagada upang hanapin ang kanilang mga sarili sa piling ng Inang Kalikasan.
Nature-hike, swimming at food trip bukod pa sa sight-seeing at mountain climbing—ang daming pwedeng puntahan at gawin sa Sagada.
Heto ang ilan sa pinakasikat na hindi n’yo palampasin na puntahan at gawin doon.
St. Mary’s Church
Ipagdasal n’yo na lang ang nang-iwan sa inyo sa St. Mary’s Church, isang simbahang itinayo pa ng mga American missionaries noong 1900’s. Kagaya ng mga lumang simbahan, gawa ito sa bato.
Mararamdaman mo talaga ang pagkaluma ng lugar habang nakaupo sa kahoy na mga bangko.
Mission Compound, Sagada Town Cemetery, Veterans Tomb
Hindi ka ba n’ya pinaglaban? Magbigay- pugay na lang sa mga taong tunay kang ipinaglaban noong World War II sa Veterans tomb kung saan inilibing ang mga namatay noong giyerang pandaigdig.
Ang town cemetery ng Sagada ay kilala rin sa kakaiba nilang pamamaraan ng paggunita sa mga yumao.
Imbes na magsindi sila ng kandila para sa mga kaluluwang sumakabilang-buhay na, isang bonefire ang kanilang sinisindihan kaya tuwing Araw ng mga Patay ay makikita mong magliliwanag ang burol kung saan matatagpuan ang sementeryo.
Bomod-Ok Falls
Masarap pa ring magbabad kahit medyo nag-uulan na, lalo na kung mainit ang ulo mo sa pang-iiwan sa iyo ng jowa mo. Lasapin ang malamig at preskong tubig ng Bomod-ok Falls, isa sa mga dinadayo ng mga turista sa Sagada.
Nakatago ang 200 metrong falls na ito sa pagitan ng rice paddies at ilang munting bayan.
Trekking
Makipag-usap kay Inang Kalikasan kesa sa crush mo na seener lang sa messenger. Maganda ang kapaligiran ng Sagada Mt. Province na punong-puno ng mga halaman, puno, at wildlife.
Simulan ang trekking patungo sa isa pang sikat na puntahan tulad ng Kiltepan. Payo ng karamihan, dapat maaga ang iyong pagpunta para makita mo ang tanyag na “sea of clouds.”
Kung kakayanin n’yo pa ang mas maaga, isang nakakamanghang sunrise naman ang inyong pwedeng pagmasdan. Siguradong mapapayapa ang magulong puso ng kahit sino rito.
Hanging Coffins
Ang Hanging Coffins ay sinaunang pamamaraan ng paglibing sa mga yumao ng mga Igorot. Kahanga-hanga ito dahil na-survive nila ang mahigit 500 taong pagsubok, hindi gaya ninyo ng ex mo.
Nakabase raw kung gaano kamahal ang isang namatay kung gaano kataas ito nakasabit gamit ang mga matitibay na tali.
Ayon sa aking kaibigan na pumunta roon, ginagawang mas maliit kaysa sa mismong mga bangkay ang kabaon. Mas magiging payapa raw ang namatay kapag ganito.
Maghanda dahil isang nakakapagod na pag-akyat ang gagawin nyo.
Sagada Lemon Pie House
Isa sa mga dinadayo sa Sagada ang sikat na Sagada Lemon Pie house. Sa P100 mo, matitikman mo ang ipinagmamalaki nilang himagas at siguradong malilimutan mo ang lahat ng worries mo.
Bukas sila mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi kaya kung kagagaling mo lang sa hike ay pwedeng daanan mo ito.
Bukod sa pies, nago-offer rin sila ng breakfast, lunch and dinner sa sulit na halaga.
Isama mo pa ang makalumang ambiance ng lugar, magiging masarap ang kwentuhan at kainan n’yo ng inyong barkada.
Kaya para sa mga pagod na kunong umibig, para sa mga nawawala ang sarili, para sa mga gustong magbakasyon sa lugar na may history, sa mahihilig sa masarap na pagkain, magandang tanawin at preskong hangin, gora na sa Sagada!