Mon’s Forecast: Edu mananalong VP; Bakit may gas rationing?; atbp.

NAPILI ng administration party ang popular TV host at aktor na si Edu Manzano na makatambal ni Gilberto Teodoro bilang vice presidential candidate. Sa pag-entra ni Edu sa vice presidential race, mahihirapan na si Sen. Mar Roxas na manalo. Pero, sa aking palagay, hindi matitinag si Sen. Noynoy Aquino sa kanyang kinalalagyan bilang No. 1 sa survey ng mga “presidentiables.” Si Manzano ay patok sa masa dahil siya ay kuwela sa kanyang pagiging TV host. Magaling si Edu na magpatawa hindi dahil siya’y komedyante kundi sa kanyang wit o intelligent jokes. At kapag seryoso si Edu, mas lalo mong hahangaan ang kanyang katalinuhan. Edu can talk about any topic and his words are profound (malalim). Di gaya ng ibang artista na di man nakatapos ng high school. College graduate ng La Salle si Edu. Di lang siya magaling sa wikang Pambansa at English, magaling din siya sa salitang Espanyol. (Masasabi mo ba ito kina Vice President Noli de Castro na “no spokening English” at kay dating Pangulong Erap na “carabao English” ang alam?) Although kapareho ni Edu na matalino si Gibo Teodoro…, hindi ko masasabi na siya’y madadala ni Edu. In the past two presidential elections before 2004, ang nabotong vice president ay kakaibang partido noong nanalong presidente. Si Erap na Vice President ni Pangulong Ramos ay hindi magkasama sa partido. Si Vice President Gloria ay hindi kasama sa partido ni Erap na nahalal bilang Pangulo. Ganoon din, sa palagay ng inyong lingkod, sa 2010 election: Si Edu ang mananalo bilang Pangalawang Pangulo at si Noynoy ang mananalo bilang Pangulo. That is my bold prediction.

* * *

Totoo ba itong aking nabalitaan na isang mataas na opisyal ng Sulu ay nagsabi na huwag nang pag-aksayahan ang kinidnap na school principal na si Gabriel Canizares dahil siya’y Kristiyano? Si Canizares, na principal ng elementary school sa Patikul, ay kinidnap ng mga Abu Sayyaf na humingi ng ransom na P2 million. Pinugutan ng ulo si Canizares dahil hindi matugunan ang ransom demand ng Abu Sayyaf sa kanya. Nang lumapit daw sa nasabing opisyal ng Sulu ang mga kamag-anakan at kasamahang titser ni Canizares, narinig daw ng ilang tao na nagsabi itong opisyal na, “Pabayaan mo na lang yan dahil di naman siya Muslim.” Kung totoo ang balitang yan, pinalalaganap ng Sulu official ang “holy war” between Christians and Muslims in Sulu.

* * *

Dahil sa katigasan ng ulo ni Pangulong Gloria, nagkaroon ng pagrarasyon ng gasolina sa ilang istasyon sa Metro Manila. Kahit na inalis na ni GMA ang kanyang order na pigilan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel, huli na dahil nagkaroon ng shortage ng langis. Kahapon, maraming gasoline stations ang sarado dahil wala na silang supply o naghakot sila ng supply ng gasolina. Yung iilang bukas na istasyon ay inirasyon naman ang gasolina at diesel na ipinagbibili nila sa mga drayber at motorista. Kahapon ay naturingang naubos na ang diesel sa aking sasakyang Toyota Land Cruiser. Ang ibinigay lang sa akin ay P500 worth of diesel na one-fourth lang ng aking fuel tank. Kung nakinig lang sana si GMA kay Energy Secretary Angelo Reyes at di kay Justice Secretary Agnes Devanadera, hindi magkakaroon ng supply shortage ng fuel. Kahapon na-realize ng publiko na tama si Reyes. Akala ng publiko ay kinakampihan ni Reyes ang mga oil companies nang sabihin niya kay GMA not to impose price control on fuel. Dahil pinigil ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng langis, nagkaroon ng hoarding at siyempre nagkulang ang suplay.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo

BANDERA, 111709

Read more...