3-1 bentahe target ng Beermen laban sa KaTropa

 

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)

7 p.m. San Miguel Beer vs TNT Katropa
———————-

Best-of-7 championship

Game 1: TNT, 102-104

Game 2: SMB, 102-88

Game 3: SMB, 109-97
———————-
MATAPOS maungusan ng TNT KaTropa sa unang laro ay tumuhog ng kambal na panalo ang San Miguel Beermen sa Game 2 at Game 3 para makuha ang 2-1 bentahe sa best-of-7 championship series ng 2017 PBA Commissioner’s Cup.
Alas-7 ngayong gabi ay muling magtutuos ang Beermen at KaTropa para sa Game 4 ng serye sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maipagpapatuloy ba ng San Miguel ang winning streak nito sa tatlo o makaresbak ang TNT at makatabla sa serye sa
2-all?
Walang duda na llamado sa sagupaang ito ang Beermen lalo pa’t may iniindang injury sa kanang paa ang dambuhalang import ng KaTropa na si Joshua Smith.
Sa kabilang dako ay maganda ang ipinapakita ng import ng SMB na si Charles Rhodes sa serye lalo na sa huling laro kung saan tumira ito ng 25 puntos at humugot ng 20 rebounds sa kanyang ika-32 kaarawan noong Linggo.
Bukod kay Rhodes, aasahan din ni SMB coach Leo Austria sina Chris Ross, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, Brian Heruela at June Mar Fajardo.
Sasandal naman si TNT coach Nash Racela kina Jayson Castro, RR Garcia, Ranidel de Ocampo at Roger Pogoy, na nadepensahan ng husto ng mga Beermen sa huling dalawang laro pagkatapos na magpakita ng
gilas sa Game 1.
Kung nais ng KaTropa na makabawi sa Beermen ay kailangan ng KaTropa na bawasan ang kanilang turnovers.
Sa Game 3 ay nag-kamit ng 23 turnovers ang TNT na nagawa naman ng SMB na maka-iskor ng 26 puntos.
Sakaling magdesisyon si Racela na ipahinga si Smith sa Game 4 mamaya ay nakahanda namang humalili si Mike Myers o si Mike Craig. — Angelito Oredo

PHOTO: INQUIRER

Read more...