Beking celebrity bilang na ang araw sa tv show; nalulong sa bisyo, naging pasaway

ANG suwerte nga naman, kapag hindi inalagaan, ay parang ibon na lilipad para humanap ng bagong pugad. Matampuhin kasi ang oportunidad, kapag nagpapabaya ang biniyayaan ay humuhulagpos, saka magsisisi sa bandang huli.

Ganitong-ganito ang nangyari sa isang mapagpatawang personalidad na ngayon siguro ay lumuluha na dahil alam niyang bilang na bilang na ang maliligaya niyang araw sa isang sikat na programa.

Maraming nanghihinayang sa kinahantungan ng kanyang popularidad, bibihira ang tulad niya na nabigyan ng pagkakataong makilala agad, walang kahirap-hirap.

Kuwento ng aming source, “Hindi naman siya biglaang kinastigo ng production, e. Maraming beses pa siyang pinagbigyan dahil baka naman magbago pa siya. Kaso, masyado siyang kampante, ang akala siguro niya, e, wala nang katapusan ang pagkagusto sa kanya ng main host ng show.

“Isa, dalawa, tatlo. Nu’ng ganu’n pa rin siya, e, ‘yun na! Okey, magaling siyang mag-comedy, natural ang atake niya na kinaaaliwan naman ng audience, pero teka lang naman muna!

“Ilang katulad na ba niya ang nagsimulang okey na okey, pero nu’ng kalaunan, e, hindi na kinaya ang popularity nila? Nganga sila sa bandang huli, di ba?” simulang litanya ng aming source.

Nawalan ng disiplina sa kanyang trabaho ang becking personality, palagi siyang sakit ng ulo ng production, hanggang sa makarating na sa main host ang problema.

“Sa totoo lang, napakamatulungin ng host na ‘yun! Lahat ng kailangan niya, e, ibinigay na nga sa kanya, pero umabuso naman siya. Siyempre, nahihiya naman ang kuya niya na palagi na lang siyang ipinagtatanggol sa production.

“Kaya nu’ng malaman ng main host na nagka-casino pala siya at kalat-kalat na ang pinagkakautangan niya, e, ‘yun na! Ibinagsak na ang hatol, matsutsugi na sa show ang komedyante.

“Sayang siya! Nakapanghihinayang ang suwerteng dumating sa kanya, sa totoo lang. Ano kaya ang masasabi ngayon ng partner niyang si Gorio?’ pagtatapos ng aming source.

Bradly Guevarra (magpagaling ka) at Tita Nene Ulanday, win na win pa naman sana ang becking ito kundi siya nawalan ng disiplina at hindi nagbisyo.

Read more...