MUKHANG mauuwi na naman sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin ang dagdag na cargo handling tax na sinisingil sa mga container van na dumarating sa mga pantalan ng bansa.
Patay na naman si Juan dela Cruz nito.
Maraming tumututol pero itinaas ng 24 porsyento ang cargo handling tariff sa Manila North Harbour Port Inc.
At mukhang ang isusunod na itataas naman ang sinisingil sa mga kargamento na dumaraan sa Batangas Container Terminal. Ang petisyon ng Asian Terminals Inc. sa Philippine Ports Authority, itaas ito ng 25 porsyento.
Hindi biro-biro ang 25 porsyento. Sa bawat P100, madaragdagan ng P25. Malaki ‘yun a.
Hindi naman mahirap intindihin ang paliwanag kung bakit magreresulta ito sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin. At kahit na ang Department of Transportation alam na mangyayari ito kapag pinayagan.
Kung tataas ang gastos sa pagbiyahe ng mga produkto, siyempre tataasan ng mga negosyante ang presyo para mabawi ang kanilang gastos. Alangan namang akunin nila ang mga gastusin, e di nalugi sila.
Hindi lamang pagkain at gamit sa paggawa ng pagkain gaya ng harina at bigas ang magmamahal kundi lahat ng produkto na dumaraan sa pantalan.
Kahit na presyo ng motorsiklo ay tataas, ayon Suzuki Motorcycles Industries.
Hindi kaya maapektuhan din nito ang mga bayad sa pagpapadala ng Balikbayan box?
Tataas daw ang taripa sa cargo handling dahil lumalaki ang gastos ng port at pagagandahin ang serbisyo nito, ayon sa Asian Terminals Inc. Bahagi umano ng cost recovery measure ang pagtataas kahit pa malaki at lumaki pa ang kita nito noong 2016.
Noong nakaraang taon, ang net earnings ng ATI ng P1.91 bilyon, mas malaki kaysa sa P1.77 bilyong kita noong 2015. Dumami rin ang foreigner containers na dumaan sa Batangas port.
Baka naman pwedeng bawasan ang kita ng port para mapunan ang gastos nito sa operasyon. Kawawa naman ang publiko kung sila rin ang papasan ng dagdag gastos na ito.
***
Kung hindi ako nagkakamali, noong Mayo 23 idineklara ni Pangulong Duterte ang Martial law sa Mindanao.
At kung tama ang bilang ko, ang 60 araw na pagpapatupad nito, na pinapayagan ng Konstitusyon ng walang basbas mula sa Kongreso, ay sa Hulyo 23.
Ang pagkakataon nga naman, ang pagtatapos ng 60 araw ay sa bisperas ng ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.
Ano nga kaya, babawiin na ba ni Duterte ang Martial law, o hihilingin niya sa Kongreso na i-extend pa ito?
Baka naman sa mismong SONA sabihin ng Pangulo na binabawi na nito ang deklarasyon. Marami ang nag-aabang.