Ryza may hiling sa Viva bago pumirma ng kontrata

ANG makagawa ng pelikula ang pinakadahilan ni Ryza Cenon kaya siya pumirma ng 5-year exclusive contract sa Viva Artists Agency na pinamamahalaan ni Veronique del Rosario-Corpus.

Kasamang pumirma ni Ryza ng kontrata ang mag-aamang Vic, Veronique at Vincent del Rosario nitong Huwebes ng gabi sa Viva Office na dinaluhan ng piling miyembro ng entertainment media.

Ultimate Survivor ng Starstruck Season 2 si Ryza at 12 years siyang naging loyal sa GMA at dahil expired na ang kontrata niya sa Artist Center noong Pebrero (2017) ay gusto naman niyang subukan ang ibang talent management para humawak sa career niya.

Sa ilang taong pananatili ni Ryza sa Kapuso Network ay hindi naman siya nabigyan ng sariling TV show o serye kundi parating supporting role o kaya isa sa main cast (at guest) ang kadalasang nakukuha ng dalaga.

May mga panahong hindi napanood sa TV ang aktres at isa ito sa dahilan kung bakit siya nagkasakit dahil dinidibdib niya ito. Mahusay umarte si Ryza kaya nakakapagtaka kung bakit hindi sinamantala ng GMA nu’ng mainit pa ang pangalan ng dalaga, lalo na nu’ng ipalabas ang solo movie niyang “Ang Manananggal Sa Unit 23B” na isinali sa Quezon City Film Festival 2016 sa direksyon ni Prime Cruz.

Sa 12 taong pamamalagi ni Ryza sa GMA ay nakakaanim na pelikula pa lang siya at isa lang ang bida siya, dito nga sa “Ang Manananggal Sa Unit 23B”.

Bagama’t ang Viva na ang hahawak sa career ni Ryza ay hiniling niyang manatili pa rin sa GMA na pinayagan naman nina boss Vic, considering na halos lahat ng talents ng VAA ay nasa ABS-CBN tulad nina Anne Curtis, Cristine Reyes, James Reid, Nadine Lustre, Bela Padilla, Sarah Lahbati at Sarah Geronimo.

Sana nga sa pamamagitan ng Viva ay mabigyan na ng mga tamang project si Ryza.

Read more...