AGAD na kumambiyo si Sen. Cynthia Villar sa kanyang panukala na ’unlirice ban’ sa mga restaurant matapos naman itong umani ng mga batikos sa publiko, partikular sa mga netizen.
Nais sanang isulong ni Villar na ipagbawal ang pag-aalok ng mga restaurant ng unlirice o unlimited rice sa kanilang mga kostumer.
Agad na naging sentro si Villar ng mga meme sa social media kung saan ginawang katawa-tawa ng mga netizen ang nais ipanukala ng senador.
Bagamat ginawang kwela ng mga netizen ang pagbanat kay Villar, napakaepektibo naman nito para maglabas agad ng paglilinaw si Villar at tiniyak na hindi niya isusulong ang ’unlirice ban’.
Para sa isang bilyonaryo na katulad ng mga Villar, napakadali kasing hindi kumain ng kanin at idaan sa iba’t ibang putahe.
Pero para sa isang ordinaryong Pinoy, idinadaan na lamang nila sa unlirice ang pagkain kapag kumakain sa mga restaurant para masulit ang kanilang bayad.
Biglang hirit pa si Villar na masama rin sa kalusugan ang pagkain ng sobrang kanin.
Ang daming panukalang batas na maaaring isulong ni Villar kung nais niya talaga na magampanan ang kanyang tungkulin bilang senador na hindi kailangang maging anti-poor.
***
DA who ang isang mataas na opisyal ng gobyerno na wala nang ginawa kundi magbiyahe sa ibang bansa kagaya ng kanyang boss.
Bukod kasi na laging kasama sa mga biyahe ni Pangulog Duterte ang opisyal kahit nang hindi pa naitatalaga sa kanyang posisyon, may hiwalay na biyahe ang opisyal.
Balitang-balita na isinama pa ng kontrobersiyal na opisyal ang kanyang mga angels sa pagpunta sa ibang bansa.
Meeting umano sa mga OFWs ang pakay ng opisyal, bagamat hindi naman konektado sa kanyang posisyon dahil wala naman siya sa DFA o DOLE na siyang nakakasakop sa mga overseas Filipino workers.
Hindi kaya junket lang ang ginagawa ng opisyal?
May pinagmanahan naman ang opisyal dahil ganito rin ang ginagawa ng kanyang immediate boss na may sariling foreign trips bukod pa sa pagiging parte lagi ng opisyal na delegasyon kapag nagbibiyahe si Pangulong Duterte.
Gusto nyo ba ng clue? Kakalipat lamang ng opisyal sa kanyang bagong puwesto kung saan isinusuka siya ng mga kapwa opisyal sa dating ahensiyang pinaglilingkuran dahil sa hindi magandang pag-uugali.
Gets nyo na ba kung sino tinutukoy ko?
Heto pa ang isang clue? Sa kabila ng pagiging public official ng opisyal feeling niya ay pribadong indibidwal pa rin siya sa paglalagay ng post na exclusive!
Alam kong alam n’yo na kung sino ang tinutukoy ko.