Barangay Ginebra hihirit ng rubbermatch

Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
5 p.m. Barangay Ginebra vs TNT Katropa

PILIT na itatabla ng Barangay Ginebra Gin Kings ang sarili nitong serye kontra sa TNT KaTropa Texters sa Game 4 ng kanilang 2017 PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals series ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Inaasahang sasandigan ng Gin Kings ang 125-101 pagwawagi sa Game 3 at ang posibilidad na hindi makalaro ng maayos ang import ng TNT KaTropa na si Joshua Smith sa laro ganap na alas-5 ng hapon para ipantay ang serye sa tigalawang panalo.

“Our goal right now is to get this to a Game 5 and let the chips fall where they may. At least we got one. Let’s see if we can carry it over in Game 4,” sabi ni Barangay Ginebra coach Tim Cone.

Una nang tinangka ng Texters na mawalis ang serye kontra Gin Kings subalit biglang nagkaroon ng injury sa right ankle ang import nito na si Smith, may 6:54 sa ikalawang yugto ng Game 3, matapos matapilok na ikinatanggal ng sapatos nito at hindi na nakabalik pa sa laro.

Ang 6-foot 10 na si Smith ang inaasahan ng Texters sa gitna ng labanan kung saan kadalasan nitong itinatala ang double-double average na 23 puntos at 11 rebounds.

Sinamantala naman ng Gin Kings ang pagkawala ni Smith upang ibagsak nito ang 19-0 run na nagpahulagpos dito sa unang dikitan na laro at itala ang pinaka-lopsided na laban sa serye.

May dalawang pagkakataon pa naman ang TNT para makabalik sa kampeonato bagaman inaasahang gagawa ito ng paraan upang punan ang tiyak na hindi kumpletong paglalaro ni Smith na umalis na iika-ika at sinamahan pa ni TNT assistant team manager Magnum Membrere palabas sa Big Dome.

Read more...