MAY mga kuwentong umiikot nu’n pa na ang klima ng studio sa isang network ay depende sa kung ano ang mood ng kanilang main host. Kung masaya siya ay okey ang takbo ng trabaho pero kapag mainit ang kanyang ulo ay damay-damay na ang nangyayari sa kabuuan ng show.
Hindi tuloy kumportable ang daloy ng kanilang trabaho dahil sa pabagu-bagong mood ng bumibidang personalidad sa programa.
Sabi ng isang source, “Parang nagba-blind item ang production staff kung ano ang mood ng main host nila. Fine, kung okey ang temperatura ni ____ (pangalan ng main personality ng show), pero kung puyat man siya o may kaaway o kung anumang nega na nagpapabago sa mood niya, pasensiyahan na lang!
“Bakit pasensiyahan? Kasi nga, nambabara siya, nakasimangot palagi, kailangang sayawan nila ang mood ng main hose nila!
“Pero kapag maayos ang temperamento niya, kapag in the mood siya, napaka-smooth ng trabaho ng lahat. Basta, ang climate sa studio, e, depende sa kung ano ang mood ng bumibida sa kanilang show,” simulang kuwento ng source.
Ang iba ay sanay na sa ugali ng main host, ang iba naman ay nangangapa pa, pero mas maraming hanggang ngayon ay natetensiyon kapag wala siya sa mood na dumarating sa studio.
“May sasabihin sa kanya ang continuity writer para alam niya kung ano’ng mangyayari sa show, pero deadma siya. May lalapit na staff sa kanya para sabihing malapit na silang mag-umpisa, pero deadmatic pa rin ang host.
“Wala siyang pinakikinggan, kapag wala siya sa mood at nega ang mundo niya, damay na ang lahat. Nakakaloka siya! Mabuti pa nga ang bagyo, nalalaman natin kung kailan darating at aalis, pero ang sumpong ng main host na ‘yun, mahirap siyang ispilengin!
“Pero kapag nasa mood naman siya, makulit siyang masyado, pinagku-cue na siya ng commercial, pero ayaw niyang makinig sa floor director!
“Hindi maganda ang ganu’ng sumpong, hindi kagandahan ‘yun, hindi talaga maganda!” napapailing na kuwento ng aming impormante.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, ano sa palagay n’yo, maganda ba ang ganu’ng ugali porke siya ang kapitan ng barko?