EWAN kung paano tinatanggap ngayon ni Pia Wurtzbach ang mga bira sa kanya sa social media. Masasakit ang mga salitang ibinabato laban sa kanya lalo na sa usapin ng utang na loob at pagrespeto sa magulang.
Nag-ugat ang lahat sa tinututulang kuwento ng kanyang buhay na ipinalabas sa MMK. Naitawid ni Liza Soberano ang pagganap bilang si Pia, pero pagkatapos nu’n ay nag-ingay na ang mga kampong kontra sa naging takbo ng kuwento, sinungaling daw ang beauty queen.
Hindi raw totoong playboy ang kanyang ama at ipinagpalit silang mag-iina sa ibang babae, wala rin daw katotohanan na humihingi ng pambili ng gamot sa kanya ang kinakasama ng kanyang amang German, kuwentong-kutsero lang daw ang mga impormasyong ibinigay ni Pia sa produksiyon.
Galit kay Pia ang kanyang half-brother, patay na raw ang kanilang tatay para ipagtanggol ang sarili nito, kaya sana’y sa dalaga na nanggaling ang pagrespeto sa kanyang daddy.
May punto ang kapatid ni Pia sa ama. Totoong kailangan niyang magpakatotoo sa kuwento ng kanyang buhay pero ano ba namang pinakiusapan niya na lang sana ang MMK na kung maaari ay huwag nang masyadong itutok ang istorya sa namayapa niyang ama?
Tutal naman ay ang pagtatagumpay niya bilang beauty queen ang totoong pambenta ng kanyang lifestory?