Aktor namamalimos ng puwesto

KUNG hindi lang daw niya idol pagdating sa pagganap sa mga pelikula ay matagal na raw niyang tinabla ang isang dating sikat na aktor.

Ito ang sinabi ng isang Cabinet member na malapit kay Pangulong Duterte.

Halos araw-arawin daw kasi ng isang dating sikat na aktor si Mr. Cabinet Secretary sa pag-follow up kung meron na siyang magiging pwesto sa kasalukuyang administrasyon.

Bukod sa Optical Media Board (OMB) ay target din ng dating sikat na aktor na maipwesto siya sa alinmang government owned and controlled corporation o GOCC.

Halatang purdoy na ang dating bida dahil wala na rin siyang mga projects ngayon sa pelikula man o maging sa telebisyon.

Noong nakaraang eleksyon ay nagbakasakali rin sa pulitika ang ating bida pero inalat sya dahil hindi naman talaga siya residente  sa lugar na kanyang tinarget na paglingkuran.

Hindi iyon ang unang kabiguan niya sa pulitika dahil dati na rin siyang tumakbo bilang vice mayor pero natalo rin.

Sa ngayon ay busy ang aktor sa pagpunta sa mga events na pinupuntahan ng Pangulo.

Sinabi ng aking Cricket na minsan ay naaawa na siya sa ating bida dahil daig pa raw niya ngayon ang isang extra sa pelikula na nagpapakabibo para lamang mapansin ng direktor.

Ito ay sa pag-asa siyempre na kahit paano ay mabibigyan siya ng posisyon sa pamahalaan tulad ng ibang mga artista na ngayon ay nasa public service na.

Sa nakaraang mga biyahe ng Pangulo sa labas ng bansa ay kasama rin ang aktor na ayon sa ilang mga nakakakita ay kulang na lang ay maging tagadala ng mga maleta.

Kung sabagay ay wala naman siyang gastos sa nasabing mga junket kaya okay lang na bumiyahe siya pero pera naman ng bayan ang ginagastos sa mga biyaheng ito na kasama siya.

Ang aktor na mistulang namamalimos ng puwesto sa Pangulo ay si Mr. S….as in Salbahe.

Read more...