Ilocos Norte gov't nahusgahan na ba ng Kamara? | Bandera

Ilocos Norte gov’t nahusgahan na ba ng Kamara?

Jimmy Alcantara - June 06, 2017 - 12:15 AM

DAHIL sa pagkakakulong ng apat na opisyal at dalawang kawani ng Ilocos Norte government ay nagkandaletse-letse na ang mga transakyon sa kapitolyo.
Mula pa raw noong isang linggo ay nagkapatong-patong na ang mga dokumento na kailangan ng lagda nina Pedro Agcaoili, ang chairman ng bids and awards committee at provincial and planning development unit; Josephine Calajate, provincial treasurer; Edna Battulayan, accountant; Evangeline Tabulog, provincial budget officer at Genedine Jambaro at Encarnacion Gaor, mga empleyado ng treasury office.
Kaya hindi maiiwasan ng maraming kliyente ng kapitolyo na sisihin ang Kamara, partikular ang kababayan nilang si Majority Leader Rodolfo Fariñas, sa pagkaparalisa ng mga transaksyon.
Giit ng mga ito, dahil sa “pagpapakitang-gilas” ng mambabatas ay katakot-takot na abala ang hinaharap nila.
Ipinakulong ang anim noong isang linggo dahil hindi nagustuhan ni Fariñas ang sagot nila sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability ukol sa akusasyon ng mambabatas na mali umano ang paggamit ng pamahalaan ng Ilocos Norte sa share nito sa tobacco excise tax.
Dahil sa hindi matandaan ng mga opisyal at kawani kung inotorisa nila o hindi ang pagpapalabas ng pondo mahigit isang dekada na ang nakararaan ay binansagan na silang mga sinungaling, na-cite for contempt at hindi na muli pang pinalabas ng Kamara.
Nakakatakot nga ang banta ng solon na hindi kailanman makalalabas ang anim “hangga’t hindi sila nagsasabi ng totoo.”
May dapat din bang pangambahan na tila pinangungunahan na ni Fariñas ang Court of Appeals hinggil sa writ of habeas corpus na inihain ng kampo ng mga nakakulong?
Hirit ng solon, ibabasura lamang daw ng CA ang petisyon dahil halatang nagsisinungaling at nagkukuntsabahan ang
anim para pagtakpan ang iregularidad kuno sa kapitolyo.
Husgahan agad talaga kahit wala pang napatutunayan?
Ganyan din ba ang paniniwala ng komite kaugnay sa isinasagawa nilang pagdinig? Aba’y nagsasayang lang pala sila ng oras doon dahil may desisyon na silang nagkasala ang pamahalaan ng Ilocos Norte.
May hirit nga ang isang dating empleyado ng kapitolyo: Tila ba tinatarget lamang ni Fariñas ang administrasyon ni Gov. Imee Marcos dahil kung gusto talaga nitong malinis sa umano’y katiwalian ang buong rehiyon ng Ilocos ay bakit hindi imbestigahan ang ibang mga probinsya gaya ng Abra, La Union at Ilocos Sur na nakikinabang din sa excise tax mula sa tabako.
Nakakahiya rin aniya ang napakaagang tila pamumulitika at batuhan ng putik ng mga opisyal ga-yong napakalayo pa ng susunod na halalan.
Ito na ang huling termino ni Fariñas bilang mambabatas kaya minamataan niya ang puwestong babakantehin ni Imee, na balak namang patakbuhin ang isang malapit sa kanya.
Ito ba ang motibo ni Fariñas sa kanyang mga arya?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending