NABUBUHAY tayo ngayon sa napaka-mapanganib na panahon. Natutulog sa takot at nagigising sa takot ang tao dahil sa lumalalang kalagayan ng daigdig.
Patuloy ang paglago ng banta ng terorismo at naghahasik ng karahasan ang iba’t-ibang organisadong grupo.
Punong-puno ng pagdurusa ang tao. Napapagod na ang taong harapin ang samu’t saring mga hamon ng buhay.
Pagod na pumapasok sa trabaho araw-araw at uuwing mas pagod na pagod sa buong maghapong paghahanap-buhay.
Marami ang nagtitis na mawalay sa kanilang pamilya at magtrabaho sa abroad upang mabigyan kahit papaano ng magandang kinabukasan ang mga mahal sa buhay, ngunit pakiramdam nila’y walang saysay ang kanilang mga pagsasakripisyo.
Pati pananalangin at paghingi ng tulong sa Diyos, kinapaguran na rin!
Pinanghihinaan at nasisiraan na nga ng loob ang tao lalo pa’t hindi nila kontrolado ang bawat sitwasyon.
Hindi lang ito ang hinaing ng ating mga kababayan kundi maging ng ibang mga lahi. Pare-pareho ang hinihiyaw! Sobra-sobra na ‘anya ang kanilang paghihirap.
Marami ang nagdedesisyong magpakamatay na lamang at tuldukan ang lahat ng kanilang mga pagdurusa, gayong ito’y isang permanenteng solusyon sa pansamantalang mga problema.
Madalas na nakatatanggap tayo ng mga ulat hinggil sa mga OFW nating nahulog o sadyang nagpatihulog mula sa matatas na gusali sa abroad, mga seafarer na napapabalitang nawawala na lamang, ngunit ayon sa pag-aaral, halos kalahati ng bilang ng mga “missing seafarers” ang pinangangambahang nagpakamatay. Tumatalon sila sa karagatan upang wakasan ang kanilang mga buhay.
Napapanahon ang “Don’t Give Up” 2017 Regional Convention ng mga Jehovah’s Witnesses na sabay-sabay ngayong ginagawa sa buong daigdig. Sa kabila ng lahat, “Huwag sumuko!”. Alalahaning palaging may pag-asa.
Inaanyayahan ni G. Danilo Calso, convention spokesman ng Pilipinas ang ating mga kababayan saan man sa mundo, na makadalo at makinabang sa napapanahong mga pahayag at pawang halaw mula sa Bibliya ang lahat na mapakikinggan doon pati na ang mga presentasyong gamit ang multimedia.
Tutulungan ang mga tagapakinig kung papaanong makapagtitiis sa kabila ng napakaraming mga suliranin at hamon sa buhay, kahirapan at pagdurusa na dinaranas ng tao sa araw-araw, tulad ng kawalan ng trabaho, palaging wala o kulang ang pera, nagtatagal na mga pagkakasakit, problema sa pamilya, depression, pagkamatay ng mahal sa buhay, kawalang katarungan, mga pag-uusig at ilan pang mga personal na problema.
Para sa mga petsa at lugar ng mga kumbensiyon, bisitahin lamang ang kanilang website sa jw.org.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.