ILANG araw bago opisyal na inihayag ang appointment sa gobyerno ng isang bagong opisyal ay tinawagan siya ng isang mambabatas na dati niyang kasama sa mga laban sa pagbabago at reporma.
Pinipilit siyang kumbinsihin ni Mr. Legislator na huwag tanggapin ang iniaalok na pwesto sa kanya noon ni Pangulong Duterte.
Bagaman iniiwasan siya ng opisyal ay naging pursigido ang mambabatas na makausap ang minsan rin naman niyang kinilala bilang isang adviser lalo na sa larangan ng political adventurism.
Pero talagang ayaw siyang kausapin ng kinikilala niyang adviser hanggang sa mag-krus ang kanilang landas sa isang pagtitipon.
Doon ay wala nang nagawa si Mr. Government Official kundi kausapin ang mambabatas.
Naging malaliman ang kanilang palitan ng paliwanag hanggang sa bigla na lang nag-walk out si Mr. Government Official at iniwan sa mesa ang mambabatas.
Sinabi ng ating Cricket na napikon si Sir nang sabihin ng mambabatas na kaya ito kukuha ng pwesto sa gobyerno ay dahil atat na atat ito na tumakbo sa susunod na eleksyon.
Nagbanta rin umano ang mambabatas na iipitin niya si Mr. Government Official kapag ito’y sumablay sa kanyang bagong trabaho sa administrasyon.
Kahit na siguro baliktarin ang mundo ay mananatiling kritiko ng pamahalaang Duterte ang tinutukoy nating mambabatas na kilalang kaalyado naman ng nakalipas na administrasyon.
Hindi naman daw nagpatinag si Mr. Government Official sa banta ng mambabatas sa pagsasabing huwag siyang subukan nito dahil maiksi rin ang kanyang pansensya.
Ang bagong talagang opisyal ng pamahalaan ay dating kasamahan ng mambabatas sa mga sumablay na operasyon na nakatuon sa mga reporma sa sangay ng pamahalaan na pareho nilang dating kinaaaniban.
Ang bagong talagang opisyal ng gobyerno na napikon sa tila’y paghahamon sa kanya ng isang kilalang mambabatas ay si Mr. D…as in Danish.
Ang mambabatas naman na kilalang bully pero role playing lang daw yun ay si Mr. A…as in Antibiotic.