ANG kadalasang pinoproblema ng produksiyon ay hindi ang mga artista kundi ang kanilang mga magulang. Usung-uso kasi ang inggitan sa kanilang hanay.
Kunwari ay okey lang sila, pero saan ka, kapag sila-sila na lang pala ang magkakasama ay meron nang mga parinigan. May mga isyu na silang pinagtatalunan.
Kuwento ng isang source, “Maraming ganu’n, talagang stage mother sila, gaya ng mommy ng isang young actress na hindi papayag na kabugin ng kahit sino ang anak niya!
“Palagi niyang kinakausap ang production head, nagrereklamo siya, binibilang pala niya ang mga sequences ng anak niya, pati ang pagda-dialogue!
“So, kapag nakabantay siya sa taping at napansin niyang walang dialogue ang anak niya, e, agad na siyang magtatanong kung bakit? Nakakahiya siya, marunong pa siya sa scriptwriter!
“Sasabihin ng kausap niya, ‘Mommy, hindi po ba n’yo binasa ang script? Nakalagay po d’yan na hindi magsasalita ang anak n’yo dahil na-shock siya sa nangyari!’
“Mapapahiya ang stage mother, pero hindi siya magso-sorry, ganu’n siya katindi bilang nanay, stage na stage talaga siya! Kinaiinisan tuloy siya sa set, maraming imbiyerna sa kanya, kunsumisyon kuno sa trabaho ang nanay na ‘yun ng young actress,” natatawang sabi ng aming impormante.
Sa TVC shoot naman ng kanyang anak ay umariba pa rin ang pagiging stage mother nito. Nang ideliber ang mga isusuot na damit ng mga endorsers ay binilang-bilang pa nito ang mga dekorasyong bulaklak ng mga damit.
Sabi ng source, “Bakit daw kulang ang flower sa damit ng anak niya? Dalawa raw ang kulang, bakit daw ganu’n? Nabubuwisit sa kanya ang buong team, pati ba naman design ng flowers sa outfit, binibilang pa niya?
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilalang-kilala n’yo kung sino ang mommy na ito ng young actress. Payong Queen ang tawag sa kanya ng mga nakakatrabaho ng mga anak niya (I repeat, mga anak niya), dahil tuwing Pasko, e, payong ang giveaway nila,” pagtatapos ng aming source.