Arci uminom muna ng alak bago ginawa ang eksena nila ni Gerald sa bagong pelikula

SOBRANG kampante na talaga si Arci Munoz kay Gerald Anderson, hindi na siya nahihiya kung anong gusto niyang sabihin sa leading man niya sa pelikulang “Can We Still Be Friends” handog ng Star Cinema.

Ang paliwanag ni Arci kaya palagay na ang loob niya sa aktor, “Kasi kami ni Ge (palayaw ni Gerald), kasi he’s such a gentleman. Kasi nga sa ‘Always Be My Maybe’ (unang pelikulang pinagsamahan nila) ay ipinaramdam na niya sa akin na okay siya. Kasi that time, bago lang ako. Maganda ‘yung relationship namin, kaswal, kumportable kami at hanggang ngayon, walang nagbago, ganu’n pa rin, happy set kami.”

Sobrang hanga ang dalaga kay Gerald dahil inaalalayan siya sa mga eksena nila, “Sa scenes namin he takes good care of me, sa ‘Always Be My Maybe’, may kinunan kaming scene na delicate talaga for the whole day, very maingat po siya. Ako pa nga ‘yung nagte-take advantage. Ha-hahahahaha!” masayang kuwento ng aktres.

Ang abs ni Gerald ang dahilan kaya nabanggit niyang nagte-take advantage siya sa leading man niya sa “Can We Still Be Friends “ na idinirek ni Prime Cruz at sinulat naman ni Jen Chuanunsu.

Naintriga tuloy ang entertainment press kung anong ginawa ni Arci sa abs ni Gerald sa pelikula pero malutong na halakhak lang ang sagot nito na ikina-curious lalo ng lahat.

Sabay amin ni Arci na sa buong showbiz career niya ay ngayon lang siya nahirapang gawin o iarte ang isang eksena na ayaw naman niyang ikuwento dahil mawawala ‘yung element of surprise kaya mas magandang panoorin na lang ang pelikula.

“Basta kailangan ko po kasing mag-shot kasi hindi ko keri (gawin kapag hindi nakainom). Dito po sa movie, uminom kami ng vodka kasi kailangan,” tawa nang tawang sabi ng dalaga. At sa kadaldalan pa ay nabanggit na talagang pinapawisan na raw ang kilikili niya sa nasabing mga eksena.

“Sobrang lalaki ng pawis ko tulad sa anime. Madaling araw na kasi no’n at nagising din lahat ng tao sa set (dahil sa eksena). Lagi naman pong gising ang abs niya, always present, never absent,” sabi pa ng aktres.

Inamin din ng aktres na crush niya si Gerald noon pang nasa GMA 7 siya dahil nga kamukha ng aktor si Zac Efron na long time crush niya kaya sa natanong kung posibleng maging boyfriend niya ang aktor kung wala itong girlfriend.

“Ako po ba manliligaw? Sabagay ginagawa ko naman ‘yun, lahat ng ex-BF (Kean Cipriano at Badi del Rosario) ko, ako nanligaw,” pambubuking ni Arci sa sarili.

Samantala, sa tanong kung keri ba ni Arci maging friends ang mga ex niya tulad ng titulo ng pelikula nila ni Ge, “Siya (Badi) nga ang nagsabi no’n sa akin, sabi ko hindi ko kaya kaya better na hindi na lang kami magkita. Pero ngayon naka-move on na po ako,” pagtatapat ng aktres.

Paliwanag pa niya, “Kapag mahal mo pa kasi ang ex mo, mahirap siyang maging friend.”

Read more...