USAP-USAPAN ngayon ang P2 bilyong lobby fund sa House of Representatives para i-rail-road ang panukalang buwis na papabor sa mga mumurahing sigarilyo katulad ng kontrobersiyal na Mighty Corp.
Dalawang opisyal ng Kamara ang nagmamaniobra para maipasa ang panukalang House Bill 4144.
Sinasabing dalawang opisyal ang nakakuha ng malaking parte ng lobby fund kayat maingay ang mga ito at pabor na pabor sa pagpasa ng panukalang batas.
Pinulong pa ng dalawang opisyal ang mga kapwa nila kongresista sa isang hotel sa Metro Manila kasama ang isang negosyante na nauna nang nasangkot sa $81 milyong online bank heist sa Bangladesh noong 2016.
Hindi lingid sa lahat na bumabaha na ng mga mumurahing sigarilyo sa bansa at ang iba’y sangkot pa sa pekeng tax stamps para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Isa ang Mighty Corp. sa hinahabol ng gobyerno matapos masangkot sa mga pekeng tax stamps.
Kamakailan ay nagsampa na ng kasong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Mighty Corp. sa Department of Justice (DOJ) dahil sa hindi umano pagbabayad ng P9.6 bilyon na buwis matapos ang paggamit nito ng mga pekeng tax stamp sa mga produkto nito.
Sa botong 176-30 na may tatlong abstention, ipinasa ng Kamara ang House Bill 4144 na magpapataw ng P32 sa murang sigarilyo at P36 sa mga premium o mahal na brand ng sigarilyo.
Nagtataka ang ilang kinatawan na tutol sa panukala dahil ang nasabing two-tier rate (dalawang magkaibang singil) ay pabor sa mga gumagawa ng murang sigarilyo kagaya ng Mighty Corp. at pagbaliktad sa nauna nang bersyon na magpapataw ng mas mababang P30 sa lahat ng produkto.
Maging ang mga nagsulong para maipasa ang sin tax law ay umalma sa pagpasa ng Kamara sa House Bill 4144.
“The unitary tax system will make it much easier for the DOF to collect much needed revenues… Having a two-tiered system, making cigarettes cheaper especially for youth is like dangling lollipop to children… That is not doing our countrymen a favor,” ayon kay Taguig Rep. Pia Cayetano, na isa sa bumoto kontra House Bill 4144.
Sinabi naman ni Department of Health (DOH) spokesperson Eric Tayag na nabalewala ang mga hangarin sa pagkakapasa ng sin tax law sa isinusulong na panukala ng Kamara.
“Everyone rejoiced when the sin tax law was approved. It was considered as three steps forward against smoking. Now the proposed amendment would be five steps backward on our gains,” ayon kay Tayag.
Sakaling maipasa ang panukala, mawawalang saysay ang kampanya ng gobyerno kontra paninigarilyo dahil mas madali nang makakabili ng mga mumurahing sigarilyo lalu na sa mga menor de edad?
Umaasa pa rin tayo na hindi ito papayagan ng mga senador na lumusot sa Senado.