Mga Laro Ngayon
(Ynares Center, Antipolo City)
4:30 p.m. Rain or Shine vs TNT KaTropa
6:45 p.m. Brgy. Ginebra vs Meralco
Team Standings: Star (8-2); Barangay Ginebra (7-2); San Miguel Beer (7-2); TNT KaTropa (7-3); Meralco (7-3); Rain or Shine (5-5); Alaska (4-6); Phoenix (4-7); GlobalPort (4-6); Mahindra (3-7); Blackwater (2-8); NLEX (2-9)
MAKISALO sa liderato ang pangunahing hangarin ngayon ng Barangay Ginebra Gin Kings sa pagsagupa sa Meralco Bolts na naghahangad makatuntong sa unang apat na puwesto sa quarterfinals ng 2017 PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Una munang magsasagupa ang puwersadong ipanalo ang natitira nitong laro na defending champion Rain or Shine Elasto Painters para makaagaw din ng silya sa Top Four sa pagsagupa nito sa TNT KaTropa Texters na pilit kakapit sa ikaapat na puwesto sa ganap na alas-4:30 ng hapon.
Agad itong susundan ng salpukan sa pagitan ng Barangay Ginebra na hangad ang ikalawang sunod na panalo at kabuuang ikawalo sa maigsing eliminasyon kontra sa Meralco na hangad putulin ang dalawang sunod na kabiguan na naghulog dito para nakipaghatian sa ikaapat na puwesto sa 7-3 karta.
Huling binigo ng Gin Kings ang Blackwater Elite, 96-82, upang dumikit sa liderato at makaiwas na mahulog sa top four habang nalasap ng Bolts ang 90-108 kabiguan kontra sa Star Hotshots.
Muli naman nakalasap ng kabiguan ang Rain or Shine sa huli nitong laban kontra sa GlobalPort Batang Pier, 101-107, na naghulog dito sa kabuuang 5-5 panalo-talong kartada at delikadong ikaanim na puwesto.
Bitbit naman ng TNT KaTropa ang 7-3 kartada para kapitan ang ikaapat na puwesto matapos nitong biguin ang Alaska Aces, 119-110.
Samantala, itinala ng NLEX Road Warriors ang ikalawang sunod na panalo matapos makalusot sa Phoenix Fuel Masters, 116-114, sa unang laro sa Ynares Center kahapon.
Bunga ng panalo, tinapos ng NLEX ang kanilang kampanya ngayong kumperensiya na may 2-9 record. Nahulog naman ang Phoenix sa 4-7 karta.
Sa ikalawang laro, tinambakan ng San Miguel Beermen ang Alaska, 109-97, para umangat muli sa ikalawang puwesto sa 8-2 kartada.
Nalaglag naman ang Aces sa 4-6 record matapos matikman ang ikaanim na sunod na pagkatalo.