Sylvia bibida sa horror movie na ilalaban sa Cinema One Originals

ria arjo sylvia

PALAISIPAN sa entertainment press na dumalo sa presscon ng Beaute’Derm para sa celebrity endorser nilang si Sylvia Sanchez kung ano ang titulo ng pelikulang gagawin niya sa Cinema One Originals na magsisimula sa November 12 to 21, 2017.

Masayang ibinalita ng aktres pagkatapos ngp presscon na tumanggap siya ng project mula sa Cinema One Originals at nitong Hulyo na ang simula ng shooting.

Wala kasing binanggit si Ibyang kung anong titulo ng pelikula at kung sinong direktor, “Hindi pa puwedeng sabihin ang title, pero horror ‘yun, hindi rin puwedeng sabihin kung ano ang role ko, basta kasama kong bida ay bata. Hindi ko pa alam sino ang direktor ko.

“Sobrang excited ako kasi ibang-iba ito, nu’ng nabasa ko, ang ganda, kaya tinanggap ko talaga,” kuwento ng aktres.

Nagtsek kami kahapon ng mga titulong nakapasa sa Cinema One Originals at ang mga ito ay ang “Nay”, “Nervous Translation”, “Throwback Thursday” , “Changing Partners”, “Historiographika Errata”, “Paki” at “Si Chedeng, Si Apple, Si Louis Vuitton.

Base sa nabasa namin, namumukod tanging itong “Nay” ang horror na tungkol sa aswang at ididirek ni Kip Oebanda na nakilala sa pelikulang “Tumbang Preso” at ilang beses nang nominate bilang Best Production Design at Editor.

Tinext namin ang aktres kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito kung ito ngang “Nay” ang gagawin niya, “Hindi pa malinaw kung aswang, basta may horror,” sagot niya sa amin.

Bagamat ilang beses nang nakagawa ng horror films si Sylvia ay kakaiba naman daw ang papel niya sa gagawin niya sa Cinema One Originals.

Samantala, aminadong namimili na ng project ngayon ang aktres pagkatapos ng seryeng The Greatest Love. Aniya, “Ang hirap sundan ng role ni Gloria. Ayoko kasi nu’ng halos kapareho ng role ko sa TGL, gusto ko iba naman, kaya talagang mapili na ako sa role, kung puwedeng mas kayang higitan si Gloria, sana meron.”

Nagpasalamat naman si Sylvia sa mga pumupuri sa mga anak niyang sina Arjo at Ria Atayde sa mga seryeng FPJ’s Ang Probinsyano at My Dear Heart ng ABS-CBN.

Naging bukambibig ng manonood ng FPJAP ang pangalang Joaquin Tuazon (Arjo) na sobrang sama kaya naman maraming natuwa nu’ng namatay na ang karakter niya sa aksyon serye ni Coco Martin. Tinanong si Ibyang kung sakaling naging Joaquin Tuazon talaga si Arjo sa tunay na buhay ay ano ang gagawin niya.

“Ako mismo magpapakulong sa anak ko, hindi ko kukunsintihin ang kalokohan ng anak ko kasi at the end of the day, ako rin ang mamumroblema at baka isang araw ay ako rin ang papatayin niya. So might as well, ako ang puputol ng kalokohan niya.

“Kaya kong tiisin ang anak ko kung iyon ang ikabubuti niya. Kasi partly kasalanan ko ‘yun kung naging masama siya,” seryosong sabi ng aktres.

Samantala, inamin ni Ibyang na may upcoming project na siya pagkatapos ng TGL, “Pero hindi pa puwedeng sabihin, pag plantsado na at uumpisahan na,” saad ng magandang Beaute’Derm endorser.

q q q

Speaking of Beaute’Derm ay kasama pala ang isa sa bida ng seryeng The Better Half na si Carlo Aquino sa hanay ng mga celebrity na gumagamit ng mga produkto ni Ms. Rei Ramos-Tan.

Kaya pala nitong huli naming makatsikahan si Carlo sa presscon ng The Better Half ay ang ganda ng kutis niya at may glow, hindi tulad dati na bagama’t malinis naman ay halatang walang ginagamit sa mukha.

Si Carlo kasi ang medyo kayumanggi sa cast ng The Better Half kumpara kina Shaina Magdayao, JC de Vera at Denise Laurel na medyo mapuputi kaya siguro na-challenge rin siyang mas alagaan ang mukha.

Samantala, base sa napanood naming episode ng The Better Half nitong Huwebes ay nagseselos na nga si JC bilang si Rafael kay Marco (Carlo) dahil binabantayan siya ni Camille (Shaina) matapos ang nangyaring aksidente.

Bagamat kontrolado pa ni Rafael (JC) ang nararamdaman ay tino-torture naman siya ni Bianca (Denise) kung bakit siya pumapayag na dalawin at bantayan ni Camille si Marco (Carlo)? Dapat daw ay magalit siya at umaksyon na para hindi na makadalaw ang asawa niya sa unang asawa nito.

Napapanood ang The Better Half, pagkatapos ng Pusong Ligaw sa ABS-CBN.

Read more...