Pinoy sa Russia may hirit kay Du30

NGAYONG nasa Russia ang Pangulong Duterte, umaasa ang mga Pinoy roon na may mababago sa kanilang kalagayan sa nasabing bansa.

Hirit nila ay mabibigyan sila ng karagdagang proteksyon sa kanilang mga trabaho at ang pagpapaigting sa mga serbisyo ng pamahalaan ng Pilipinas.

Itinuturing na landmark visit ni Duterte ang pagtungo sa Russia, na ang layunin ay para mapalakas pa ang relasyon ng dalawang bansa.

Ang Russia ay itinuturing na pinakamalaking bansa sa buong daigdig. Kahit hindi kalakihan ang bilang ng mga Pinoy roon, naniniwala sila na ito na ang tamang panahon upang lumikha ng kasunduan ang Pilipinas at Russia na mangangalaga sa kanilang mga kapakanan.

Reklamo kasi ng mga OFW doon ay kinakailangan pa nilang magparehistro sa Russia bilang mga foreign workers, gayung kumpleto naman sila ng mga legal na dokumento.

Anila, hinahanapan pa sila ng kung ano-anong mga papel na hindi na naman na kailangan at sa palagay nila ay di na naman makatuwiran.

Sa bandang huli, kapag wala silang maisumiteng mga dokumento na imposible umanong magkaroon sila noon, pinagmumulta sila ng 2,000 Rubles pataas. Nagiging sanhi pa umano ito ng korupsyon at napipilitan naman silang magbigay na lamang upang bawas aalalahanin na rin.

Hiling din nilang ma-upgrade ang konsulado ng Pilipinas sa Vladisvostok upang hindi na sila bumiyahe ng siyam na oras papuntang Moscow para lamang sa pagpapa-renew ng kanilang mga pasaporte at working visa.

Katulad din sa maraming mga bansa na binisita ni Pangulong Duterte ay hindi maaaring hindi niya mapuntahan at makausap ang ating mga kababayan.

Tiyak namang pakikinggan niya ang mga kahilingang ito at kung posible at makatuwiran naman ang kanilang hinihiling, tiyak na pagbibigyan niya ang mga ito.

Ngunit katulad din sa madalas niyang banggitin sa ating mga OFW na hindi na magtatagal at uuwi na rin sila ng Pilipinas for good, paano naman kaya ito tatanggapin ng mga Pinoy doon sa Russia?

Kibit-balikat din ba tulad din sa ibang mga bansa na ayaw naman talaga umano nilang umuwi dahil mas malaki ang kinikita nila sa abroad kaysa naman sa sariling bayan lalo pa’t kung parehong trabaho lang naman ang kanilang gagawin.

Pero hindi rin naman natin sila puwedeng lahatin.

May iba talaga na uwing-uwi na rin at isang magandang balita para sa kanila na marinig mismo sa kanilang pangulo na may babalikan at may maaasahan sila sa kanilang pag-uwi ng bansa.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali) audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...