BIBITBITIN muli ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang watawat ng Pilipinas bilang flag-bearer at kalahok na atleta sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa darating na Setyembre 17 hanggang 27 sa Ashqabat, Turkmenistan.
Sinabi ito ni dating Olympian, kasalukuyang Congressman sa 1st District ng Makati at AIMAG Chef de Mission na si Manuel Monsour Del Rosario na kasama ang deputy Chef de Mission na si Raymond Lee Reyes kahapon sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Golden Phoenix Hotel sa Macapagal Avenue, Pasay.
“Yes, we would like to announce that Hidilyn Diaz will be our flag bearer sa AIMAG,” sabi ni Del Rosario, na kasama din sa forum ang mga tournament director ng isasagawa nitong Pre-AIMAG Championships sa Mayo 29 hanggang Hunyo 2 sa Harrison Plaza, Manila na sina Rennie Ross sa kickboxing, Paolo Vitug sa Sambo, Leo Panganiban sa Kurash at Irvin Marinas sa belt wrestling at traditional wrestling.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magsisilbing flag bearer ng bansa ang tubong Zamboanga City na si Diaz, na una nang nagbitbit sa bandila ng Pilipinas noong 2012 London Olympics.
Ipinaliwanag din ni Reyes na ang Pre-AIMAG Qualifying tournament ay isasagawa katulong ang Philippine Sports Commission (PSC) para makapili ng mga atletang isasalang sa torneo.
“We will not only put up the association for those sports na paglalabanan sa AIMAG but also para malaman kung mayroon pang makukuhang ibang atleta,” sabi ni Del Rosario sa limang isasagawang sports sa torneo na kurash, kickboxing, sambo, belt at traditional wrestling.
Sasabak naman ang Pilipinas sa kabuuang 18 sa paglalabanang 21 sports sa torneo na lalahukan ng 62 bansa kabilang ang demonstration event na Electronic Sports kung saan ang bansa ang kasalukuyang world champion.
Binigyan naman ng warning mismo ni Del Rosario ang mga NSAs na patuloy na hindi tumutugon sa itinakdang araw ng accreditation na swimming, chess, cycling at wrestling na hindi pa nagsusumite ng kanilang listahan ng atleta at opisyales na ipapadala sa torneo.
“Kailangan kasi talaga ng host country na masiguro ang listahan ng mga kasali kaya minamadali na rin natin ang ating mga kasamahan para maisaayos ang kanilang mga dokumento. Hindi po namin masasagot ang gastusin kung hindi sila makakatugon sa araw ng deadline. Sana sabihin na lang nila agad kung hindi makakapadala ng listahan nila ng isasaling atleta,” sabi ni Del Rosario. —Angelito Oredo