MARAMI ang kumukuwestyon sa bagong batas na ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO).na nagbabawal sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Wala namang magagawa ang LTO kundi ipatupad ang batas na ipinasa ng Kongreso at pinirmahan ni Pangulong Duterte.
Ang LTO na nasa ilalim ng Department of Transportation ang gumawa ng Implementing Rules and Regulation.
Dahil bago ang batas, nakatuon ang malaking atensyon dito ng LTO. Lahat nang makikita nilang gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho, kahit pa nakahinto ang sasakyan dahil sa trapik o pulang signal light, ay huhulihin.
Kaya lang, kung nakikita daw ng mga tagapagpatupad ng batas trapiko ang mga gumagamit ng cellphone, kasama na ang mga pribadong sasakyan na kalimitang nakasara ang bintana, bakit daw hindi nila makita ang violation na matagal ng ipinagbabawal?
Nariyan ang mga rider na hindi nakasuot ng helmet. At hindi lamang basta helmet ang kanilang suot kundi helmet na pumasa sa itinakdang Philippine standard.
Kahit na ang simpleng pagsusuot ng seat belt ay hindi sinusunod pero hindi rin pinapansin ng mga traffic enforcer. Nakikita naman siguro nila ang mga driver ng jeepney na walang suot na seat belt.
Andami ring mga pampublikong sasakyan na sira ang brake light at signal light. Obvious naman na hindi name-maintain nang maayos ang mga pampublikong sasakyan at pinapabayaan din ang mga ito. Bukod dito, madali rin sigurong makita ang mga PUV na sira ang headlight. Marami ring ganitong motorsiklo pero hindi sinisita.
Dagdag tayo nang dagdag ng batas trapiko pero sa umpisa lang naman ipinatutupad ng mahigpit.
***
Marami ang nagtataka, bakit bawal maglagay ng cellphone sa dashboard pero pwede sa air vent.
Hindi ba mas umaagaw ng atensyon ng driver kung titingin siya sa bandang air vent kung saan niya ikinabit ang kanyang cellphone kesa kung titingin siya sa may dashboard kung saan dati nakalagay ang kanyang cellphone?
Mas maikli ang daraanan ng mata paalis sa harap ng sasakyan patungo sa cellphone na nasa dash board kumpara sa pag-alis ng kanyang mata sa kalsada patungo sa air vent, di ba?
***
Tanong din ng isa pang miron, hindi ba mas nakaka-distract ang mga billboard lalo na yung parang malaki TV, kumpara dun sa sign board ng mga pampasaherong jeepney at bus?
Pati ba naman daw ang rosaryo, ibabawal? E kung palitan na lang daw ng bawang, pangontra sa aswang?
***
May nakapuna, hindi na raw masyadong trapik sa General Luna st., sa may SM San Mateo hanggang sa bahay ng dating mayor sa Brgy. Ampid.
Pero lumipat ang trapik sa mga kalsada papasok rito. Mukhang iniipon ang mga sasakyan sa Batasan-San Mateo Rd., na entrada kung galing ka sa Quezon City. At sa JP Rizal sa Brgy. Nangka kung galing ka sa Marikina City.
Nagawan nga naman nila ng paraan na mawala ang trapik sa San Mateo.