TUMAGAS na liquefied petroleum gas (LPG) at hindi bomba ang dahilan ng pagsabog ng isang unit sa Two Serendra condomium sa Bonifacio Global City, Taguig na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo katao at pagkasugat ng limang iba pa, ayon kay Interior Sec. Mar Roxas.
“The explosion is most likely to have been caused by combustion or reaction of chemical substances,” paliwanag ng opisyal sa press briefing sa Camp Crame. “In view with the foregoing, the blast was consistent with a gas explosion, most likely LPG.”
Ito aniya ay dahil walang nakitang bakas ng anumang pampasabog, pangingitim, shrapnel, o anumang triggering device sa pinangyarihan ang inter-agency task force na binuo para imbestigahan ang pagsabog.
Wala ring “crater,” na karaniwang dulot ng bomba, ang natagpuan sa Room 501B kung saan nangyari ang pagsabog at sa iba pang naapektuhang lugar.
“Komportable po ang mga imbestigador ninyo na ‘yung pagsabog na ito ay hindi sanhi ng isang bomba. Whether improvised or manufactured,” ani Roxas.
Kabilang sa nag-imbestiga ng pagsabog ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, National Bureau of Investigation, Army, at Department of Science and Technology.
‘Instantaneous fire’
Sa kabila nito, sinabi ng DILG chief na maaring nagkaroon ng “instantaneous fire” kaya nagtamo si Angelito San Juan, okupante ng Room 501B, ng second-degree burns sa 72 porsiyento ng katawan.
“There was some fire but it was instantaneous… Na-consume kaagad ‘yung fuel,” ani Roxas. Sa bilis ng apoy, hindi nasunog ang isang kumpol ng bulak na natagpuang halos buo pa at nakadikit sa kisame, aniya.
Di pa mabatid ang sanhi ng tagas at kung anong nagpaputok sa naipong gas kaya nakikipag-ugnayan ngayon ang mga imbestigador sa Bonifacio Gas Corp., na nagsu-suplay ng LPG sa Two Serendra sa pamamagitan ng tubo.
“May mga theory kung saan galing ‘yung leak pero hindi pa conclusive,” ani Roxas.
Pagsabog malakas, pero walang ‘tadtad’
Samantala, inihayag ni Roxas na bagamat nagawa ng pagsabog na baklasin at itapon nang 25 metro ang isang konkretong pader ng Room 501B ay walang nakitang epekto ng “shattering” sa blast site.
“Walang shattering, ang puwersa ay fields of energy, walang pagtatadtad na kagaya ng sa bomba,” aniya. Sa parehong pulong-balitaan, sinabi ni Dr. Carlos Primo David, ng Department of Science and Technology, na “posible” ngang mabaklas at maitapon ng gas explosion ang isang bahagi ng konkretong pader.
Ang konkretong pader, na ayon sa DOST ay may bigat na 3,700 kilo, ang bumagsak sa dumadaang delivery van at pumatay sa driver na si Salimar Natividad at mga pahinante niyang sina Jeffrey Umali at Marlon Bandiola.
Wala pang turuan
Inulit ni Roxas ang pakikiramay ng gobyerno sa pamilya ng mga nasawi, ngunit sinabing maaga pa para masabi kung sinong dapat sisihin sa insidente.
“Right now, what we have to say is this is a gas explosion. What we have determined is that flammable gas was already there. Kung bakit nangyari ito -negligence, incompetence, or fraud, hindi pa namin masabi,” ani Roxas.
“Kung sino man ang dapat na managot dito will go through a different process,” sabi pa ng DILG chief nang tanungin kung parurusahan ang Ayala Land Inc., na may-ari sa Two Serendra.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.