Pilipinas naka-silver sa AFF Under-15 Girls’ Championship 2017

IPINAMALAS ng Pilipinas ang lahat ng magagawa nito para masungkit ang importanteng panalo subalit sadyang hindi nito nakayanan ang Thailand na itinala ang 6-2 panalo sa Finals upang iuwi ang korona ng AFF Under-15 Girls’ Championship 2017 sa KM16 National Stadium sa Vientiane, Laos Sabado ng gabi.

Lubhang mahigpitan ang laban sa pagitan ng dalawa sa pinakamahusay na koponan sa kompetisyon ngayong taon sa unang hati bago na lamang nagawa ng mas ekspiriyensado na Thailand na makita ang kahinaan sa depensa ng Pilipinas upang unti-unting ipasok ang mga krusyal na goal.

Unang umiskor ang mga Thais sa 12th minute mula kay Ploychompoo Sommonk na nalampasan ang defender na si Alessandra Viallon sa kaliwang bahagi at takasan ang goal keeper na si Jessica Pido.

Agad nakatabla ang Pilipinas sa ika-17 minuto nang ipakita ni midfielder Myrla Garcia ang isa sa kanyang trademark na long range shot mula sa layong 20 metro upang gulantanging ang Thai goalie na si Ponpimon Ngoenphon.

Subalit dalawang mabilis na goals kay Ploychompoo sa ika-22 minuto at Trinity Parascandola sa ika-30 minuto na kapwa sa kaliwa ng backline ng Pilipinas ang agad nagdesisyon sa labanan.

Nadagdag pa sa paghihirap ng Pilipinas ang injury kay Viallon na iika-ika na pinalitan.

Mula sa iskor na 3-1, sinandigan ng Thailand ang bentahe sa pagtatapos ng 40 minutong first half upang takasan ang Pilipinas na bumalik na determinado sa second half matapos na mangailangan lamang ng dalawang minuto upang itala ang ikalawang goal mula kay Viviana Cera.

Gayunman, ito na ang naging huling goal ng Pilipinas kahit nagpakita ito ng matinding pag-atake matapos umiskor sa ika-59 minuto si Ploychompoo para sa isang header kay Pattarana Aupachai at sa iskor na 4-2.

Naganap pa ang isang goal mula kay Philippines defender Keanne Dedel na tuluyang nagbigay sa Thailand ng kontrol sa laro. Isa pang goal ang naisalpak nito mula kay substitute Janista Jinantuya para sa ikaanim na goal ng Thailand.

Read more...