PSL Manila Team sasabak na sa Asian Women’s Club Championship

LUMIPAD na ang mga players at coaching staff ng 2017 PSL Manila Team sa Ust-Kamenogorsk (Oskemen), Kazakhstan upang sumabak sa prestihiyosong 18th AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship na gaganapin Mayo 23 hanggang 31.

Irerepresenta sana ng Foton Tornadoes ang Pilipinas bilang insentibo sa pagwawagi sa huling isinagawa na PSL Grand Prix bago na lamang nagdesisyong ipasa ang pagpapadala ng koponan sa Philippine Super Liga dahil sa isinagawa nitong pagbabago sa dalawang beses tinanghal na kampeon na koponan.

Binubuo ng halos buong miyembro ng mga napili sa PH national women’s volley team, hangad ng koponan na makakuha ng ekspiriyensa at kinakailangang exposure para sa susunod na pagsabak nito sa AVC Asian Senior Women’s Championship dito sa bansa at 29th Southeast Asian Games na kapwa gaganapin sa Agosto.

Ang 2017 Asian Women’s Volleyball Championship ay iho-host ng bansa sa Agosto 9 hanggang 17 habang ang 29th SEA Games ay gaganapin sa Agosto 19 hanggang 30 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Pinamumunuan ng pitong manlalaro na sumabak sa 2016 FIVB Women’s Club World Ch ampionships na sina Rachel Anne Daquis, Mika Reyes, Kim Fajardo, Aby Maraño, Jaja Santiago, Frances Molina at Jovelyn Gonzaga habang makakasama nito ang international campaigner na sina Aiza Maizo-Pontillas, Maika Ortiz, Denise Lazaro at Rhea Dimaculangan.

Inaasahang tutulong din ang mga matatangkad na middle blocker na sina Gen Casugod at Lourdes Clemente para mabuo ang pinakamalakas na marahil na koponan.

“This is the first time for us to compete in the AVC Asian Club with an all-Filipino lineup because we really want to give these players, who are all national pool members, a chance to gain experience against eight of the best club teams in Asia,” sabi lamang ni PSL president Ramon “Tatz” Suzara.

Napasama naman ang Rebisco-PSL Manila sa pinakamabigat na grupo kung saan makakatapat nito ang nagtatanggol na kampeon na Hisamitsu Springs ng Japan, Tianjin Bohai Bank ng China at Vietinbak ng Vietnam.

Magkakasama sa Group B ang Southeast Asian powerhouse Supreme Chonburi ng Thailand pati na Taiwan Power ng Chinese Taipei, Sarmayeh Bank ng Iran at Altay Volleyball Club mula sa host country.
Sisimulan ng Rebisco-PSL Manila ang kampanya kontra Japanese team sa Mayo 25 bago kaharapin ang Vietnamese squad sa Mayo 26 at Chinese team sa Mayo 27. — Angelito Oredo

Read more...