Ai Ai: Thank you Lord at ibinalik n’yo ang mga nawala sa akin!

AI AI DELAS ALAS

AI AI DELAS ALAS

WALANG kasing ligaya ngayon si Ai Ai delas Alas. Para kasing tumama ang lahat ng galaw ng mga bituin para maging matagumpay ang lahat ng aspeto ng kanyang buhay at career.

Hanggang ngayon ay pinipilahan pa rin ang kanyang pelikulang “Our Mighty Yaya,” napakaayos ng kanilang relasyon ni Gerald Sibayan, maganda rin ang sitwasyon ng kanyang mga anak na sina Sancho, Nicolo at Sofia.

Dahil sa tagumpay ng kanyang pelikula ay hindi tuloy naiwasan ng Comedy Concert Queen ang mga sakripisyo at tone-toneladang problemang pinagdaanan niya tatlong taon na ngayon ang nakararaan.

Nakakaantig nga ng kalooban ang kanyang mensahe, “Thank you, Lord, dahil ibinalik N’yong isa-isa ang mga nawala sa akin. Maraming salamat po, Lord, totoong-totoo ang Inyong sinabi na maghintay lang ako.”

Maraming hindi nakakaalam na relihiyosa ang komedyana, tumutulong din siya sa pag-aaral ng mga kaibigan niyang pari, malayo kasi ‘yun sa kanyang imahe bilang personalidad na parang ang alam lang sa buhay ay ang magpatawa.

Bakit nga ba ganu’n? Ang mga komedyante ang pinakaseryosong tao kung tutuusin? Tito Dolphy, Vic Sotto, Willie Revillame, Joey de Leon at marami pang iba?

“Kasi nga, e, puro pagpapasaya ng mga kababayan natin ang ginagawa namin, kaya sa mga panahong wala na kami sa harap ng mga camera, e, amin na ang mundo,” sabi ng Philippine Comedy Queen.

Walang kasiguruhan ang buhay ng mga artista, hawak nila ang trono ngayon, pero kinabukasan ay may iba na palang nagmamay-ari nu’n.

Napakasuwerte ni Ai Ai delas Alas dahil napakaningning ng kanyang bituin ngayon at lahat ng nawala sa kanya nu’n ay hawak na uli niya ngayon.

Read more...