AYAW nang magpakanega ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Dedma na lang siya sa mga taong walang ginawa kundi ang mambagsak ng kapwa, lalo na ang mga bashers sa social media.
Wala raw dahilan para magpaapekto pa siya sa mga kanegahang ito dahil feeling blessed na siya sa kanyang buhay, lalo na sa personal life.
Bukod nga naman kasi sa pagkakaroon ng masayang married life, idagdag pa ang napakagandang anak nila ni Dingdong Dantes, patuloy pa rin siyang binibigyan ng trabaho ng GMA 7. Malakas din ang flower business niyang Flora Vida.
Bukod sa bagong teleserye niyang The Good Teacher at Sunday PinaSaya, siya rin ang magiging host ng bagong Kapuso drama anthology na Tadhana, ito ay tatalakay sa buhay at sakripisyo ng ating mga OFW.
Sa presscon ng Tadhana kamakalawa, sinabi ng Kapuso actress-TV host na ayaw niyang isipin na may mga nainggit sa kanya kaya patuloy pa rin siyang bina-bash.
“Ang pangit naman ng salitang kinaiinggitan, huwag na ‘yun. Siguro ano na lang, kung may mga pagkakataon na nangyayaring ganyan sa buhay, siguro mas iisipin ko na lang na mas maraming biyaya na natatamo ko, at wala akong ni katiting na dahilan para i-entertain yung mga ganyang bagay.
“At siguro, mas maganda na ipagdasal na lang kung anuman ang happiness na meron ako doon sa taong sinasabi o kung sino man, e, ma-share ‘yan sa kanya,” sey ng misis ni Dingdong.
Hirit pa ni Marian, “Tama na, nandiyan ang asawa ko, may anak ako. Hinihiling ko na magkaanak pa. May trabaho ako, may mga taong nagmamahal sa akin. May magulang ako, kakikita ko lang sa tatay ko.
“Parang walang way at posisyon ni katiting na i-entertain ko ang mga ganu’n, huwag na,” sey pa niya.
Nagkuwento rin ang aktres sa pagbabakasyon nila sa Europe ni Dingdong kasama si Baby Zia. Pinuntahan din nila sa Spain ang kanyang amang si Francisco Javier Gracia, na isang Spanish. Nakilala rin ni Marian doon ang kanyang mga kapatid.
Tuwang-tuwa nga raw ang kanyang ama nang makita si Baby Zia, “Alam n’yo totoo pala talaga ‘yung lukso ng dugo. Kasi first time pa lang nakita ni Zia si Papa, parang close na close na sila!”
Maraming nagsasabi na inspirasyon sila ngayon ni Dingdong ng ibang mag-asawa dahil sa ganda ng kanilang pagsasama, “Wow, inspiration! Siguro kung inspiration as isang pamilya, ang importante, hindi nasa picture, yung totoong momentum na magkakasama kaming tatlo.
“At yung mga pictures na sine-share namin through social media, gusto lang naming i-share yun sa mga taong nagmamahal sa amin at walang-sawang nagdarasal para maging masaya ang pamilya namin.
“So, isa lang yun sa mga katiting na dahilan para i-share namin sa kanila. At kulang pa yung pagpu-post na ‘yan at salita ng pasasalamat sa mga taong nagmamahal sa amin, especially yung iba nga, hindi na Marian at Dingdong, Zia na.
“Siguro kahit sa maliit na bagay na ‘yan, sine-share namin ang pictures ni Zia, e, way namin ‘yun ng pasasalamat sa kanila,” aniya pa.
q q q
Samantala, nagsimula na kahapon ang Tadhana hosted by Marian Rivera. Tampok dito ang iba’t ibang kuwento ng ligaya, lungkot, inspirasyon at determinasyon ng ating mga bagong bayani – ang mga OFW.
Kada episode ay maglalahad ng mga pinagdadaanan ng ating mga OFWs na magsisilbing gabay at inspirasyon para sa mga viewers.
“First time ko ito as story teller at happy ako kasi may matututunan ako sa bawat istorya,” ani Marian.
“Every Saturday, iba’t ibang story ang mapapanood nila, mga kuwento ng ating mga kababayan na nagtratrabaho at nakikipagsapalaran sa ibang bansa,” ani Marian.
Sa katunayan, OFW rin ang nanay ng Kapuso Primetime Queen kaya kahit paano’y nakaka-relate siya sa show. Ngunit kakaiba raw ito sa kanyang mga naunang proyekto. Pero hindi lang ang paghihirap ng mga kababayan nating OFW ang ipakikita sa programa, kasama rin diyan ang ginawa nilang pagpupursige para malagpasan ang mga pagsubok ng buhay at sa huli ay magtagumpay.
Sa pilot episode, napanood ang kwento ni Elvie, isang OFW sa Saudi. Umalis sa bansa upang maiangat ang buhay ng pamilya, ngunit hindi niya inakalang malalagay sa hukay ang kanyang buhay.
Binugbog, tinangkang pagsamantalahan, hindi pinakain at pinasuweldo at ikinulong pa ng kanyang amo. Bumida rito sina Kris Bernal at Cherie Gil.
Abangan ang Tadhana tuwing Sabado pagkatapos ng Ika-6 Na Utos sa GMA.