Olympics silver medal ni Hidilyn Diaz ilalagay sa PH Sports Museum

PARA magsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga kababaihan, kabataan at iba pang atleta ay ibinigay ng tanging nakapagwagi ng medalya sa Rio de Janeiro Olympics na si Hidilyn Diaz ang kanyang pilak na medalya sa Philippine Sports Commission (PSC) upang ilagak sa Philippine Sports Museum.

Sa isang simpleng seremonya na isinagawa sa opisina ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez, ibinigay mismo ni Diaz ang kanyang napagwagiang pilak na medalya kasama ang kanyang ina na si Emelita sa ahensiya ng gobyerno sa sports upang makasama ang iba pang mga karangalan at simbolo ng kahusayan ng mga Pilipino sa sports.

“In behalf of the PSC, we will take care of your silver medal. We will cherish it for the common good of the country and of the community of sports. We will handle it like the instruction of the President to guard you 24 hours a day and like a very precious jewel,” sabi pa ni Ramirez.“We will take care of it like the way we took Hidilyn as a precious gem and being the Pearl of Philippine sports. We will assure you that your achievement will be shared to others like your illustrious Olympic medal,” sabi ni Ramirez.

Kasama ng medalyang pilak ay ibinigay din ng Business Management student sa College of St. Benilde na si Diaz ang kanyang mga uniporme na ginamit nito sa pagkamit ng tagumpay at bilang natatanging babaeng atleta na nakapagwagi para sa bansa sa Olimpiada.

Matatandaan na ang 26-anyos na si Diaz ay lumahok sa 53kg category sa Rio Olympics sa ikatlong pagkakataon na paglahok sa sport na women’s weightlifting kung saan nagawa nitong makumpleto ang kanyang pagbuhat sa snatch at clean and jerk upang maging nag-iisang babae sa kasaysayan ng Pilipinas na magwagi ng medalya sa torneo.

“Hindi ka na naman bago sa Olympics,” sabi lamang ni PSC Commissioner Ramon Fernandez kasama sina Fatima Celia Hicarte-Kiram at Arnold Agustin.

“No need for you for our advice. Alam namin na alam mo na ang gagawin mo at umaasa kami na magagawa mo ang inaasam mo sa 2020 Tokyo Olympics,” sabi pa ni Fernandez.

Nakatakda naman lumahok ang 26-anyos na si Diaz sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) bilang pauna sa paghahanda nito sa target na masungkit ang gintong medalya sa World Weightlifting Championships.

Ipinaliwanag pa ni Ramirez na kanilang ihahanda rin si Diaz para sa paglahok nito sa isasagawang torneo na tulad sa Kuala Lumpur SEA Games, sa 2018 Asian Games na gaganapin sa Jakarta, Indonesia at panghuli ang target nito na gintong medalya sa Tokyo Olympics.

“We want to set the fire for our country’s campaign in the Kuala Lumpur SEA Games, Asian Games and the 2020 Tokyo Olympics by putting up tarpaulins of all our champions together with our President para ma-inspire ang lahat ng ating mga kabataan at atleta,” sabi ni Ramirez.

Read more...