Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
10 a.m. Indonesia vs Thailand
12 n.n. Malaysia vs Singapore
Team Standings: Philippines (2-0): Malaysia (1-0); Thailand (0-0); Indonesia (0-1); Singapore (0-1)
INUWI ng Batang Gilas Pilipinas ang ikalawang sunod nitong panalo matapos gibain ang Indonesia, 96-73, para patatagin ang tsansa nito sa kampeonato ng ginaganap na 2017 Southeast Asia Basketball Association (SEABA) Under-16 Championship sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Agad umarangkada ang mga Batang Gilas sa paghulog ng 9-0 atake bago nito itinaas sa 23-4 at 31-10 sa unang yugto at hindi na nilingon pa ang kalaban tungo sa patuloy na pagkapit nito sa liderato ng torneo.
Nagtala ng triple-double si Mclaude Guadana sa 29 minutong paglalaro sa pagtala ng 19 puntos, 10 rebounds at 11 assists upang pamunuan ang Pilipinas na naghahangad sa titulo na magbibigay dito ng karapatan katawanin ang Southeast Asian region sa 16 koponang maglaban-laban sa 5th FIBA Asia Under-16 Championship 2017.
Nag-ambag naman ng 17 puntos si Recaredo Christian Calimag habang may 12 si Kai Sotto at si Raven Angelo Cortez ay may 10 puntos, 2 assists at 1 rebound.
Sunod na makakatapat ng mga Pinoy matapos magpahinga ngayong araw ang Thailand bukas at Malaysia sa Huwebes.
Sasabak naman ang top four teams ng FIBA Asia U-16 sa 5th FIBA Under-17 Basketball World Cup sa Hulyo 2018 sa Argentina.
Una nang binigo ng mga Batang Gilas sa kanilang unang panalo ang Singapore, 108-42.