Tanim-droga ng magsasakang pulis, wakasan na!
NAKABABAHALA ngayon ang mga kasong “tanim-droga” ng mga corrupt na pulis. Kahit sino pwedeng mabiktima.
Una, 25 pulis ng Manila Police District ang umaresto at nagtanim-droga, ikinulong ang apat na senior citizens na ang isa, si Api Ang, ay namatay na. Nawala rin dito ang P2 milyon na pera.
Ikalawa, ni-relieve na hepe ng Bacolor PNP Chief Inspector Sonia Alvarez kasama ng 11 pulis at walong agents ng PDEA na nagtanim-droga at ebidensya kay Wilfredo Galura, umano’y empleyado ng Pampanga Provincial Engineer’s Office.
Ikatlo, ni-relieve din ang chief of police ng Mabalacat Pampanga na si Supt. Juritz Rara at pinuno ng Drug Enforcement Unit na si Senior Insp. Melvin Florida dahil sa reklamo ng isang lalaki na dumulog sa VACC. At sa pinakahuling balita, umaabot daw sa 30 katao ang biktima ng “tanim-droga” cops sa Mabalacat.
Ika-apat, ang nabulgar na sikretong jail ng MPD Station 10 kung saan 10 ang itinago dahil sa tanim-droga at hinihingan ng pera ng mga tiwaling pulis.
Ika-lima, si PO1 Efren Guitering, pulis Maynila sa Station 6 ay dinakip ng Counter Intelligence Task force sa pangingikil ng P50,000 sa isang drug suspect. Ayon mismo kay MPD Director, Chief Supt. Joel Coronel, merong 78 na mga pulis-Maynila ang iniimbestigahan ngayon dahil sa tanim droga.
Ika-anim, dito naman sa Makati, sinibak din ang hepe na si Senior Supt. Dionisio Bartolome noong Martes matapos na ang apat niyang pulis ay masangkot sa robbery extortion at pagdukot sa isang negosyante at pamilya nito.
Ika-pito, nasaan na iyong video noon sa Maynila na nahuling nagtatanim ng ebidensya ang mga pulis sa Tokhang raid?
Talagang nakaririmarim na kahit sino na lang ay pwedeng kikilan ng mga tiwaling pulis. Senior citizen, negosyante, simpleng mamamayan na itinutulad na rin sa mga drug pushers.
Ayon sa PNP counter Intelligence task force, meron silang hinahabol na 800 police scalawags at nakatanggap na rin sila ng 2,000 reklamo laban sa mga corrupt at abusadong mga pulis. Mabuti nga lang at merong humahabol at umaaresto sa mga pulis na ito, di tulad noon, na kampihan at halos untouchable ang mga pulis sa bata-bata system.
Kung nangyayari ito sa Metro Manila at Central Luzon, hindi malayong talamak din ang tanim-droga sa mga lalawigan kung saan walang kalaban-laban ang mga biktima.
Ang short term solution — palakasin pa nang husto ang “PNP Counter intelligence task force” at “Internal affairs office”. At dito hindi natin kailangan ang pagtatanggol ni PNP Chief Bato de la Rosa. Dito nga mismong kakampi niyang VACC ay nagwawala na sa corruption ng mga pulis at pinasusupindi muna ang war on drugs habang maduming madumi pa ang hanay ng mga pulis.
Sa long term, ang paghirang ni Pres. Duterte kay AFP Chief of staff Eduardo Año bilang susunod na DILG chief ang magsisilbing panibagong “BASTON” para malipol na ang mga tiwaling pulis sa PNP. Ika nga, military ang magdidisplina sa pulis kahit pa ipagtanggol ni Chief Bato.
Pero, sa ngayon, ang kailangan talaga ay ang pagbabantay nating lahat, mga magrereklamo, malakas na media, at malilinis na opisyal sa PNP, DILG, NBI, at DOJ, kasama na rin ang mga mayors ng bawat bayan at lungsod.
Wakasan na ang TANIM DROGA at ikulong ang mga magsasakang pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.