ANG pinakamahusay na koponan sa nakaraang Philippine Cup ang siya pa ring namamayagpag sa kasalukuyang Commissioner’s Cup.
Sa pagpasok ng liga sa isang linggong break upang bigyang daan ang pagdaraos ng 2017 Southeast Asian Basketball Association (SEABA) tournament ay magkahawak-kamay ang San Miguel Beermen at Barangay Ginebra Gin Kings sa itaas ng standings sa kartang 5-1.
Ito ay matapos na matapilok ang Meralco Bolts sa kanilang huling assignment.
Napatid ang three-game winning streak ng Bolts nang sila ay kuryentehin mg Globalport Batang Pier, 94-86, noong Miyerkules. Bunga nito ay bumagsak ang Bolts sa record na 7-2 at kasalukuyang tabla sila ng Star Hotshots sa ikatlong puwesto.
E sino ba naman ang mag-aakalang matatalo ang Meralco gayung tila well-oiled machine ang mga ito. Matindi ang kanilang import na si Alex Stephenson na animo ay troso sa loob ng hardcourt.
Wala namang ipinahiram na player ang Meralco sa Gilas Pilipinas kung kaya’t hindi naman sila kulang nang nagsagupa sila ng Globalport.
E, ang Globalport ay kulang ng isang matinding shooter sa katauhan ni Terrence Romeo na miyembro ng Gilas Pilipinas.
Idagdag pa rito na may apat na bagong players ang Globalport. Bago kasi ang laro ay nakabilang ang Globalport sa four-team trade na kinapalooban ng Meralco, NLEX at TNT KaTropa.
Nakuha ng Batang Pier matapos ang palitan sina Sean Anthony, Bradwyn Guinto at Jonathan Grey.
Bukod dito ay nagpalit ng import ang Globalport at pinauwi si Malcolm White. Kinuha ni coach Franz Pumaren si Justin Harper.
Sabihin na nating malakas ang mga naidagdag ni Pumaren. Pero siyempre, kulang pa ng teamwork ang Globalport dahil hindi pa naman nakakapag-ensayo nang husto ang mga ito sa kanilang nilipatan.
Pero nangyari na ang nangyari. Matindi ang naging performance ni Anthony na napiling Best Player of the Game. At matindi rin ang numero ni Harper na gumawa ng 30 puntos at siyam na rebounds.
Well, puwede pa namang humabol ang Meralco sa itaas dahil sa may tig-limang games pa ang Beermen at Gin Kings. Mawawalis na nila ang mga iyon? E hindi pa nga sila nagtatapat.
Ang maganda nga lang nito para sa San Miguel Beer at Ginebra ay tila napawi na ang pagod nila sa nagdaang best-of-seven Philippine Cup Finals.
At magbabalik sa kani-kanilang lineup pagkatapos ng SEABA event ang mga manlalarong ipinahiram nila sa Gilas Pilipinas na sina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar.
Mas magiging matindi ang Beermen at Gin Kings sa natitirang laro sa elimination round kaya’t gaganda ang tsansa nilang masungkit ang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.