Racasa bibitbitin ang Pinas sa ASEAN Age Group chess

IPINAMALAS ni Antonella Berthe Murillo Racasa ang husay sa 10-Under Girls division sa ginanap na 2017 National Age Group Chess Championships na nagtapos kahapon sa Cebu City.

Si Antonella, na anak ni Robert “Memory Man” Racasa na founder ng Philippine Memory Sports, ay umiskor ng 11 panalo at dalawang draw upang iuwi ang championship trophy kontra sa mahigit na 40 kasali.

Tinalo ni Racasa ang Luzon grand winner at Asian Youth gold medalist na si Daren Dela Cruz sa mahabang laban sa unang laro bago nagtala ng upset sa top seed at Mindanao leg winner na si Ruelle Canino sa ikalimang round.

Muli itong nanalo sa round seven kontra 2017 Kasparov Chess Tournament grand champion Gabrielle Anne Perez bago nagkasya sa huling anim na round sa apat na panalo at dalawang draw upang siguruhin ang kanyang pinakamatinding panalo.

“My dream is to become the youngest Grandmaster in the world and to become a World Champion someday,” sabi ni Racasa, na ang pinakaunang opisyal na sinalihang torneo ay noong Hulyo 2016.

Si Racasa ay sinuportahan nina Abigail Osorio Millar ng Jezreel Tours and Travel agency para sa kanilang plane tickets at Hotel Sogo Marketing Manager Sue Geminiano para sa kanilang libreng hotel accommodation sa buong taon sa pagsabak sa torneo sa Cebu.

Dahil sa panalo ay irerepresenta ni Racasa ang Pilipinas sa 2017 ASEAN Age Group Chess Championship na isasagawa sa Ho Chi Minh, Vietnam at makakatulong naman sina Allan Racasa ng APR Construction at si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro at Vice Mayor Dr. Jose Fabian Cadiz.

Read more...