MAGSASANIB sa unang pagkakataon ang kulay asul at berde sa pagsasama ng magkaribal sa kolehiyo na sina Mika Reyes at Alyssa Valdez para sa kulay ng Pilipinas sa pagtatangkang masungkit ang pinag-aagawang silya para sa pambansang koponan sa paglaro sa Clash of Heroes sa Lunes, Mayo 15, sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Si Valdez, na mula sa Ateneo de Manila University, ay makikipagtulungan sa dating De La Salle University player na si Reyes sa pagbitbit sa Pilipinas-Blue squad kontra sa puno ng beterano na Pilipinas-Red team sa fund-raising project na inorganisa PSC-POC Media Group sa tulong ng Larong Volleyball Sa Pilipinas, Inc. para sa benepisyo ng national volleyball team sa foreign training at exposure sa paghahanda sa paglahok sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Kabilang din sa Pilipinas-Blue team sa laro na suportado ng Philippine Sports Commission katulong ang UCPB Gen bilang official insurance provider at TV5 na official broadcast partner sina Kim Fajardo, Kim Dy at Dawn Macandili, na mga tinanghal na bayani para sa back-to-back UAAP women’s volleyball champion La Salle.
Makakasama nila sina Jovelyn Gonzaga ng Cignal, Kat Tolentino ng Ateneo, Elaine Kasilag ng Pocari Sweat, Bea General ng Generika-Ayala, Frances Molina at Ria Meneses ng Petron, Lourdes Clemente ng Sta. Lucia at CJ Rosario ng Foton.
Ang assistant coach ng Foton na si Brian Esquibel ang siyang gigiya sa koponan kasama sina Ronald Dulay ng Foton at Ian Fernandez ng Petron bilang deputy coaches.
Maliban sa inaasahang matinding pagtatambal nina Valdez at Reyes, na ilang beses nagsagupa sa dramatikong serye sa titulo ng UAAP women’s volleyball ay magkakasama rin bilang kanilang “reunion” sina Valdez at Fajardo, na childhood buddies mula Batangas bago kapwa nakilala ang husay bilang dalawa sa best volleyball players sa bansa.
Ipinaliwanag agad ni national team head coach Francis Vicente na hindi intensiyonal ang pagkakasama-sama ng mga nasabing manlalaro.
“It’s the outcome of long nights of deliberation among members of the national coaching staff,” sabi ni Vicente, na siyang nagturo kay Valdez at Fajardo habang naglalaro pa sa high school sa UST.
“Alyssa and Kim are both candidates for team captain. I want to see how they will lead the team composed of players with different backgrounds. I would carefully take note how they will provide the spark and chemistry on the floor,” sabi ni Vicente.
Gayunman, ang koponan nina Valdez, Fajardo at Reyes ay nahaharap sa matinding labanan.
Ito ay dahil si Rachel Anne Daquis ng Cignal, na hindi maitatatwa na mukha ng bansa sa volleyball sa internasyonal na arena, ang siyang mamumuno sa Pilipinas-Red squad kasama ang kapwa beterano na si Aiza Maizo-Pontillas ng Petron at Aby Maraño ng F2 Logistics.
Kabilang din sa koponan si Denden Lazaro ng Cocolife, Kat Arado ng Generika-Ayala, Myla Pablo ng Pocari Sweat, Gretchel Soltones ng BaliPure, Jaja Santiago ng Foton, Gen Casugod ng Generika-Ayala, Maika Ortiz ng Foton, Maddie Madayag ng Ateneo, Rhea Dimaculangan ng Petron at Roselle Baliton ng UE.
Ang nagpapagaling sa injury na Foton star na si Dindin Manabat ay kabilang din sa bumubuo sa Pilipinas-Red.
Si Nene Chavez ng Generika-Ayala, na siyang team captain ng koponan na nagwagi sa huling medalya ng bansa sa Southeast Asian Games noong 1993 ang siyang hahawak sa koponan kasama sina Kungfu Reyes na coach ng UST at Benson Bocboc of La Salle.
“Rachel, Aiza, Aby and Jaja are overflowing with international experience. I want to see how they will prove their worth and translate that experience into a victory against younger players like Alyssa, Kim and Mika,” sabi ni Vicente.
“This would serve as the basis in forming the 18-woman roster. So I want to see them fight for their respective slots.”
Ang laban ay ipapalabas ng live sa TV5 simula alas-7 ng gabi.
Ang mga ticket ay patuloy na mabibili sa PSC-POC media center sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex. Maaari ring tumawag sa (02) 536-4722.