Tropang Gimme5 muling magpapasabog ng kilig

GIMME5

GIMME5

MATAPOS ang maraming sold-out tours para sa kanilang matagumpay na debut album, nagbabalik sa music scene ang teen boyband ng ABS-CBN na Gimme5!

Ang grupo ay binubuo nina Nash Aguas, Joaquin Reyes, Grae Fernandez, Brace Arquiza at John Bermundo na nagpakitang-gilas muli sa launching ng kanilang second album mula sa Star Music, ang “Gimme 5: Sophomore.”

Siguradong kagigiliwan ng fans ang kanilang panibagong album na tampok ang limang orihinal na kanta, kasama ang mga komposisyon ng dalawang miyembro nito, ang “First Love” na isinulat ni Nash at ang “Hindi Ko Alam” na mula naman kay Joaquin.

Ang carrier single ng album na “Walang Dahilan” ay isinulat ni Jay Sule at ramdam sa feel-good song na ito ang teen vibe ng boyband kung saan kuwento ang mga unang hakbang ng kabataan sa kanilang paghanga sa napupusuan.

Tiyak na magsisilbing inspirasyon sa puso ng mga kabataan ang iba pang kaabang-abang na tracks na mapapakinggan dito sa album tulad na lamang sa awiting “Napapangiti” na isinulat ni Rox Santos at “Hanggang Tingin Na Lang” na isinulat naman ni Miles Blue Sy.

Sina Malou Santos at Roxy Liquigan ang executive producers ng bagong album kasama si Jonathan Manalo bilang supervising producer habang ang DJ at songwriter na si RB Kidwolf ang nagsisilbing over-all album producer.

Kasunod ang “Sophomore” sa matagumpay nilang self-titled debut album na nakilala sa local music industry kasama ang hit songs na “Pag Kasama Ka,” “Hatid Sundo,” at “Aking Prinsesa.” Nakatanggap din ang album ng gintong parangal mula sa Philippine Association of the Record Industry (PARI).

Ang “Sophomore” album ng Gimme5 ay mabibili na sa digital stores at record bars. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang Starmusic.ph o sundan ang official social media accounts ng Star Music sa Facebook.com/starmusicph. Panoorin ang mga bagong music videos sa YouTube channel @ABS-CBN Star Music.

Read more...