Ika-8 panalo pakay ng Meralco Bolts

MERALCO, PBA

Games Today
(Mall of Asia Arena)
4:15 p.m GlobalPort
vs Meralco
7 p.m Star Hotshots
vs TNT KaTropa

Team Standings: Meralco (7-1); San Miguel Beer (5-1); Barangay Ginebra (5-1); Star Hotshots (6-2); TNT KaTropa (6-2); Alaska (4-3); Rain or Shine (4-4); Phoenix (4-5); GlobalPort (2-6); Blackwater (2-7); Mahindra (2-7); NLEX (0-8)
PUNTIRYA ngmainit na Meralco Bolts na magtapos sa unang puwesto sa pagtatapos ng eliminasyon ng PBA Commissioner’s Cup.
At makakahakbang ito papalapit sa naturang misyon ngayong hapon kung maipapanalo ng Bolts ang laban kontra sa naghihingalo ngunit delikadong koponan ng GlobalPort.
Mag-uupisa ang naturang laban alas-4:15 ng hapon bago angkrusyal na sagupaan sa pagitan ng Star Hotshots at TNT KaTropa dakong alas-7 ng gabi.
Kasalukuyang nasa ibabaw ng team standings ang Meralco sa kartadang 7-1. Lamang ito ng dalawang panalo sa San Miguel Beer at Barangay Ginebra na parehong may 5-1 baraha.
Ang GlobalPort naman ay may 2-6 kartada at nasa ika-9 na puwesto. Kailangan nitong maipanalo ang lahat ng tatlong natitirang laro sa elims para manatiling buhay ang tsansang maka-usad sa playoff round.
Sa katunayan ay binalasa ng GlobalPort ang lineup nito at kumuha ng bagong import sa layuning makapasok sa susunod na round.
“It would be hard to gauge (game against GlobalPort) because they have new players and a new import,” sabi ni Meralco head coach Norman Black. “We’ll just go out, play hard and try to grind out a win.”
Kinuha ng Batang Pier bilang import ang 27-anyos na si Justin Harper na siyang ikatlo ng koponan sa torneyong ito matapos kina Sean Williams at Malcolm White.
Ang 6-foot-10 na si Harper ay isang scorer at nakapaglaro na rin sa France, Israel at Italy.
Bukod kay Harper ay ibabandera rin ng GlobalPort ang mga bagong manlalaro nitong sina Sean Anthony, Bradwyn Guinto at Jonathan Grey.

Gayunman, may mga bagong mukha rin sa koponan ni Black.
Nakuha ng Bolts sa isang four-team trade si Garvo Lanete na inaasahang magbibigay ng karagdagang bala sa opensa ng Meralco.
Sasandalan pa rin ni Black ang import nitong si Alex Stepheson na isa sa pinakamahusay sa conference na ito.

Samantala, ang Star at TNT ay kapwa may 6-2 kartada at kasalukuyang tabla sa ikaapat na puwesto. Ang mananalo sa labang ito ay maiiwan sa No. 4 spot at mananatiling buhay ang pag-asang makapagtapos sa top 2 spot na may kaakibat na twice-to-beat incentive sa playoff habang ang matatalo ay babagsak sa No. 5.
Parehong galing sa maigting na panalo ang Star at TNT.
Binigo ng Hotshots ang Rain or Shine noong Sabado sa Batangas habang tinisod naman ng KaTropa ang dating walang talong San Miguel Beer noong Linggo. —Angelito Oredo

Read more...