FRESH mula sa pagkapanalo ni Ai Ai delas Alas ng second international best actress award mula sa Asean International Film Festival and Awards 2017 sa Malaysia, present sa premiere night ng family comedy movie niyang “Our Mighty Yaya” mula sa Regal Entertainment last Monday sa SM Megamall Cinema 1.
Sa indie drama niyang “Area” muling nagwagi si Ai Ai. Pero sa Mother’s day movie niya, talbog ang lahat na hinahangad na maagaw ang korona niya bilang Comedy Queen dahil ipinamalas niyang movie ang galing niya sa pagpapatawa at pagkurot sa puso sa madamdamin niyang tagpo, huh!
Tama ang sinabi ng premyadong director niyang si Joey Reyes na malayung-malayo ang pelikula sa “Ang Tanging Ina” series ni Ai Ai na nagpatingkad ng estado niya bilang Reyna ng Komedya. Walang masyadong hysterics, hindi over-acting and yet, tumatawa at aliw na aliw ang audience sa bawat hirit niya sa mga eksena.
Sa totoo lang, simple ang kuwento ng “OMY”. Isang ina na mababa ang pinag-aralan na galing sa probinsiya at nagtrabaho bilang yaya para sa kinabukasan ng anak na pinag-aaral.
Tipid ang kaalaman niya sa Ingles at may problema sa mga bata at madrasta nila. Para siyang isinalang sa digmaan ng magkaibang panig na sinamahan pa ng masungit na mayordoma!
Hindi na rin bago ‘yung pamali-maling Ingles ng bida. Ginawa na rin ito ni Ai Ai pero nabigyan niya ng ibang atake ang kanyang role sa pelikula. Hagalpakan ang nakapanood sa premiere night at bawat hirit niya eh, pinapalakpakan talaga ng audience!
Nakasabay rin kay Ai Ai si Miss World Megan Young bilang istrikta at Ingliserang madrasta. Bukod sa umaapaw niyang ganda sa screen, hayun at dumadrama rin siya. Epektibo ang pagiging kontrabida niya in a very, very light manner na hindi naman kaiinisan ng manonood. Sa katunayan, aliw na aliw nga sa kanya ang mga press na nakapanood na sa movie.
q q q
Rebelasyon din ang dalawang child stars na sina Lukas Magallano at Alyson McBride. Kulit kung kulit ang dating pero sa madamdaming tagpo, lusot din sila sa panlasa ng manonood.
Siyempre pa, hindi matatawaran ang isinahog na mayordoma sa kuwento played by Beverly Salviejo.
Sinamahan pa siya ng magagaling na lumabas na kasambahay lalo na si Divine Grace ng Dear Uge, plus Zoren Legazpi na gumanap na asawa ni Megan at ang napakagandang si Sofia Andres who played the eldest daughter of Zoren.
Nakagawa na naman si direk Joey ng pelikulang papatok sa panlasa ng manonood. Maganda ang pagkakagawa ng movie. Swak na swak ang mga eksenang heartwarming at napaarte niyang lahat ang buong cast!
Panalo na naman tiyakang mag-inang Lily at Roselle Monteverde sa pagpili ng kuwentong angkop na angkop sa Mother’s Day. Maging ang dalawa eh, aliw na aliw sa kabaliwan ni Ai Ai.
O, ngayong Mother’s day week, huwag palampasin ang natatanging pagganap ng Pinoy’s Pride at pride ng comedy films na si Ai Ai delas Alas!
Showing na ang “Our Mighty Yaya” simula ngayong araw.