Vice Ganda: Namamatay ako kapag nagtatampo ang nanay ko sa akin!

vice ganda
KNOWS na ng Phenomenal Star na si Vice Ganda kung paano niya babatiin ang kanyang Nanay Rose na nagtatrabaho sa Amerika sa Mother’s Day ngayong Sunday.

Ang pinaka-sweet daw siguro na magagawa niya ay tawagan ang ina. Pinakasimple pero ‘yun na raw siguro ang pinakamae-enjoy ng nanay niya, ang magkausap sila sa telepono.

Parang wala na raw kasing bearing para sa Nanay Rose niya ang regalo kapag may okasyon. Kahit daw walang okasyon nabibigay na ni Vice ang gusto ng kanyang ina.

“Minsan nga may ibibigay ako sa kanya, sabi niya, ‘Huwag na ‘yan. Hindi ko kailangan ‘yan. Ayoko niyan.’ Tapos sasabihin ko sa kanya, ‘Ano ba ang gusto mo?’ ‘Iisipin ko na lang. At saka na lang.’ Tapos kapag naisip niya naman kahit walang okasyon, ‘Ay, anak, ‘yung promise mo sa akin na ganito.’ Saka ko ibibigay ko ‘yung gusto niya,” kwento ni Vice.

But every now and then, he makes sure na nakakausap niya ang kanyang Nanay Rose through Viber or a phone call.

“Kasi papatayin ako ng kunsensya ko na meron akong nakausap na nanay nu’ng araw na ‘yun sa Showtime tapos hindi ko siya nakausap.

“Kasi pinapanood po niya ako araw-araw. Nagseselos siya na, ‘Buti pa ‘yung ibang nanay niyayakap mo. Pero ikaw hindi kita mayakap.’ Namamatay po ako kapag ginaganu’n ako ng Nanay ko,” sabi ng TV host.

Marami ang saludo sa ina ni Vice dahil sa pagiging independent woman nito, “She is,” proud na pagsang-ayon ni Vice. “She has been very independent and hindi niya kaya na lumilipipas ang araw na wala siyang ginagawa at hindi nagtatrabaho kagaya ng lola ko.”

Bagaman hindi na raw talaga kailangan pang magtrabaho ni Nanay Rose para kumita ng pera, feel lang daw talaga ng mother niya ang magtrabaho.

“Passion niya na ‘yun. Passion niya ‘yung mag-alaga ng maysakit. Passion na niya ang tumulong sa matanda. Kaya iba ang pagsaludo ko sa nanay ko,” dagdag pa niya.

Naisip din ni Vice at mga kapatid niya na kapag huminto sa pagtatrabaho ang kanilang ina ay baka manghina.

“Kasi ‘di ba ‘yung mga tao sa Amerika sanay sila na gumagalaw ang mga katawan nila na may tinatrabaho sila. At ang liliksi nila, ang sisigla nila. Kaya kapag pinahinto namin baka manghina, magkasakit. E, walang sakit ang nanay ko ngayon, e. Masigla kasi talaga siya. Kaya siya masaya,” dagdag pa ni Vice.

Luho na lang daw ng nanay niya ang pagtatrabaho sa US. Tapos babalik na lang daw ng Pilipinas si Nanay Rose kapag nami-miss na sila at mga apo niya.

Solo parent ang nanay ni Vice. Namatay ang kanyang ama nu’ng nagsisimula pa lang na maging teenager si Vice.

Read more...