BUONG puwersa na ng pamilya ni Senador Tito Sotto ang hawak-kamay na kumikilos ngayon para mabalanse naman ang masasakit na salitang ikinukulapol sa kanya ng ating mga kababayan.
Kailangan na talagang maglabas ng saloobin ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa aktor-pulitiko, sobrang pagpapako na sa krus ng paghusga ang inaabot niya, galit na galit sa senador ang mga kababaihan pati ang mga produkto ng mga single mom.
Naglabas na ng emo-syon si Sharon Cuneta, si Danica Sotto at si Konsehal Gian, isangdaang porsiyento silang nasa likod ng senador sa mapanghamong pagkakataong ito.
Kahit paano’y nakabalanse ang kanilang mga pakiusap para magdalawang-isip ang marami pang ibang gustong putaktihin ng mga pagmumura ang senador sa social media. Nakatulong nang malaki ‘yun.
Sa puntong ito ay siguradong windang na windang si Senador Tito sa kinauwian ng sabi nga niya’y isang biro lang. Biro lang, pero lumatay sa puso ng mga kababaihang binaligtad ang mundo para lang mapalaki nang maayos ang kanilang mga anak ang kanyang sinabi, “naano” lang ang mahiwagang salita pero humusga sa senador nang mula ulo hanggang paa.
Ang senaryong ito ay malaking leksiyon para sa mga serbisyo-publikong may malawak na responsibilidad sa kanilang nirerespetong upuan sa ating pamahalaan.
Hindi na puwede ngayon ang basta makapagsalita lang, meron nang social media na nakabantay sa mga salitang binibitiwan nila, isang pindot lang ang katapat ngayon ng mga taong minantikaan ang mga dila sa pagsasalita nang hindi muna nag-iisip.