Alvarez, Fariñas tinulugan ang priority bills

MAHIGIT dalawang buwan na lamang bago ang ikalawang State of the Nation (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hulyo, pero napakaraminng panukala at priority measures ang nakabinbin pa rin sa Kamara dahil na rin sa sobrang pamumulitika ng liderato ng Mababang Kapulungan, partikular sina Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Sa nakalipas na mga buwan, naging abala si Alvarez sa kanyang personal na isyu matapos pumutok ang balita na meron siyang girlfriend kahit kasal pa sa misis nito.

Samantalang bilang Majority Leader, hindi naman nabigyan ni Fariñas ng atensyon ang mga mahahalagang panukalang batas.

Kaka-resume lang ng sesyon ng 17th Congress matapos ang mahaba-habang break noong Holy Week, at dapat ay mag-pokus muna sa mga panukalang batas na hindi pa rin nabibigyang pansin.

Kabilang sa mga panukala na muling inihain ngayong 17th Congress na hindi pa rin tuluyang naipapasa ay ang Freedom of Information (FOI) bill, Anti-Political Dynasty bill, at ang pagtataas ng pension ng mga miyembro ng SSS.

Bagamat nagpalabas na ng Executive Order (EO) si Pangulong Duterte kaugnay ng FOI bill, iba pa rin kung maisasabatas ang panukala.

Katulad din ito ng SSS pension kung saan inaprubahan ni Pangulong Duterte ang P1,000 karagdagan sa pension ng mga retiradong miyembro, itinutulak pa rin ang pagsasabatas nito. Isinusulong sa Kongreso ang P2,000 across-the-board increase sa pension ng tinatayang 1.9 milyong pensioner.

Samantala, kabilang naman sa mga priority measures na isinusulong ni Pangulong Duterte ay ang pederalismo, ang pagbibigay sa kanya ng emergency power masolusyunan ang trapik sa bansa, ang pagpapalawig ng validity ng passport, at ang tax reform bill.

Lagi na ring sakit ng Kamara ang kawalan ng quorum dahil sa pagiging pala-absent ng maraming kongresista.

Ilang dekada na ngunit hindi pa rin nakakalusot ang anti-political dynasty bill.

Samantala, kabilang din sa muling inihain sa Kongreso ay ang Anti Discrimination bill, na naglalayong tapusin na ang diskriminasyon sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community sa Pilipinas.

Isinusulong din sa Kongreso ang divorce bill na naglalayong payagan na ang divorce sa bansa. Hindi rin makalusot-lusot sa Kongreso ang national ID system na muling inihain ngayong 17th Congress.

Hinihintay din ng mga empleyado ng gobyerno ang pagpasa ng salary standardization law (SSL) IV kung saan naglalayong itaas sa 27 porsiyento ang sweldo ng 1.53 milyong manggagawa sa pamahalaan sa loob ng tatlong taon.

Kabilang naman ang pagpapatigil sa “endo” o contractualization sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte noong kampanya na hinihintay pa rin ng mga manggagawa.

Ang iba pang mga panukalang batas na nakabinbin sa Kongreso ay ang Anti-Money Laundering bill; legalisasyon ng marijuana; at ang pag-aamyeda ng political party system na naglalayong matigil na ang pagiging balimbing ng mga politiko.

Sa dami ng kailangang dapat ipasa ng Kamara, nararapat lamang na magtrabaho muna ang liderato nito at itigil na muna ang pamumulitika. Halos isang taon na ang nasayang dahil sa kawalan ng pokus ng liderato nina Alvarez at Fariñas.

Hindi tuloy maiwasang magtanong kung mas makakabuti kaya kung si dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang siyang maging Speaker ng Kamara?

Read more...