SA Linggo, Mayo 7 ang launching ng bagon album ni Sam Milby na gaganapin sa Eastwood Open Park, ganap na 7 ng gabi.
Excited si Sam dahil pagkalipas ng anim na taong hindi pagiging aktibo sa singing career dahil naging abala siya sa paggawa ng mga pelikula tulad ng “Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel” (2013); “The Gifted” (2014); “Third Party” (2016) at “Camp Sawi” (2016), bukod pa riyan sa mga TV projects niyang Huwag Ka Lang Mawawala (2013) at Doble Kara (2015-2017).
Matatandaang halos dalawang taong nawala sa bansa ang aktor dahil sa pangarap nitong pasukin ang Hollywood pero sa kalaunan ay bumalik siya ng Pilipinas dahil napagtanto niyang narito ang market niya at timing naman dahil naging sunud-sunod nga ang projects niya.
Sa bagong album ng binata na may titulong “Sam:12”, ang sariling komposisyon niya ang carrier song na may titulong “Who’s That Girl” featuring Moira.
Makakasama ni Sam sa album launch si KZ Tandingan as special guest.
Samantala, ayaw masyadong pag-usapan ni Sam ang lovelife niya dahil gusto niyang maging pribado muna ito, okay na raw na alam ng publiko na girlfriend niya ang TV host/blogger/model na si Mari Jasmin. Hindi naman nagdadamot ang dalawa sa kanilang social media followers dahil regular naman ang pagpo-post nila ng kanilang litrato sa Instagram. Mas okay na raw yun para mas tahimik ang kanilang buhay.
Going 33 na si Sam sa darating na kaarawan niya sa Mayo 23 at tanda namin, plano niyang mag-asawa sa edad na 35. Si Mari Jasmine na kaya ang “the one” ni Samuel Lloyd?