KAHIT pala wala kang nakonsumong tubig ay may babayaran ka pa rin sa Manila Water.
Natanggap ko ang bill ng tubig para sa billing cycle na Marso 25 hanggang Abril 25. Ang bill ay para sa bahay na hindi na tinitirahan.
Malinaw sa bill na bokya ang consumption. Ang Previous Reading ay 1174 at ang Present Reading ay 1174. Walang nakonsumong tubig, tama ba?
Pero kahit walang nagamit ay may babayaran ka pa rin pala sa Manila Water.
Para sa zero consumption ay magbabayad ka ng P133.86.
Ang Basic Charge ay P97.14; FCDA ay P1.21; Environmental Charge P19.67; Maintenance Service Charge P1.50 at ang kabuuang halaga ay P119.52.
At wala ka na ngang nakonsumo, siningil o pinatungan pa ito ng 12 porsyentong Value Added Tax na P14.34.
Walang nakonsumong tubig pero may babayaran.
Nagpapatuloy ang teleserye ng mag-amang Reghis Romero at 1-Pacman Rep. Mikee Romero na nag-aagawan sa Harbour Centre Port Terminal Inc.
Nagsumite na ng position paper si Securities and Exchange Commission-Company Registration and Monitoring Department director Ferdinand Sales sa Office of the Ombudsman na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Nasisisi ngayon si Sales dahil sa pag approve na itaas ang capitol stock at amyendahan ang articles of incorporation ng Manila North Harbor Port Inc.— ang kompanyang pagmamay-ari ng HCPTI dati.
Ang hakbang na ito ay gawa umano ng kampo ni Rep. Romero— (may hiwalay na kasong isinampa sa kanya ang kampo ng kanyang ama at nagpalabas na ng warrant of arrest ang Manila court. Walang piyansa ang kaso niyang qualified theft kaya hindi niya magamit ang kanyang bilyones para sa pansamantalang kalayaan).
Kung hindi ako nagkakamali, si Romero ngayon ang solong bil-yonaryo sa Kamara de Representantes. Hindi na naman siya nakikita sa Kamara mula nang lumabas ang arrest warrant. Kapag lumabas ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth ay malalaman natin kung siya nga ang pinakamayaman.
Dahil sa hakbang ni Sales nakuha ng San Miguel Holdings Corp. ang majority ng shareholders ng MNHPI (78.33 porsyento). Dati ang shares ng HCPTI sa MNHPI ay 65 porsyento pero sa pagpasok ng SMHC ito ay lumiit sa 15.16 porsyento na lamang.
Pinayagan ni Sales ang aplikasyon kahit na sumulat na sa kanya ang mga taga-HCPTI na mayroong intra-corporate dispute ang kompanya. Disyembre 2014 sumulat kay Sales at hiniling na huwag pagbigyan kung mayroong maghahain ng aplikasyon.
Pebrero 2015 naman nang ihain ang aplikasyon at dalawang araw makalipas ay inaprubahan na ito ni Sales.
Ito naman ang ginamit na batayan sa paghahain ng reklamong kriminal at administratibo laban kay Sales sa Ombudsman.
Sinabi ni Sales na hindi niya nababantayan ang lahat ng sulat na dumarating sa kanyang tanggapan at ipinadala umano ang sulat bago pa naihain ang aplikasyon.
Bukod dito ay hindi umano ikinonsidera ang sulat dahil kaugnay ito sa intra-corporate dispute sa HCPTI at hindi sa MNHPI.
Meron ding sertipikasyon si MNHPI corporate secretary Patrick Lugue na walang intra-corporate dispute ang kompanya.
Mukhang mahaba pa ang saga na ito ng mag-amang Romero at nagsasanga-sanga na ang mga kuwento.