Ateneo-La Salle UAAP women’s volley finals papalo na

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
12 n.n. Ateneo vs NU (men’s)
4 p.m. Ateneo vs La Salle (women’s)

MAKUHA ang unang panalo ang hangad ng Ateneo de Manila University Lady Eagles at De La Salle University Lady Spikers sa Game 1 ng UAAP Season 79 women’s volleyball championship ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Mapanatili ang malinis na kartada ang asam naman ng nagtatanggol na kampeong Ateneo Blue Eagles sa pagsagupa sa National University Bulldogs.

Lalapit sa ikatlong sunod nitong pagsungkit sa korona ang Blue Eagles ganap na alas-12 ng tanghali sa pagharap sa pilit gagawa ng upset na Bulldogs habang magsasagupa sa ikaanim na sunod na pagkakataon ang Lady Eagles na pilit babawi sa nagtatanggol na kampeong Lady Spikers sa alas-4 ng hapon.

Isa pang kasaysayan ang pilit na itatala ng Blue Eagles bilang tanging koponan na nakapagwagi ng korona na hindi nakakalasap ng kabiguan simula sa eliminasyon sa pagsagupa nito sa dalawang beses nitong tinalo na Bulldogs.

Nagtala ng kasaysayan ang Blue Eagles sa pagwalis nito sa 14 laro sa eliminasyon upang agad na tumuntong sa best-of-three na kampeonato habang kinailangan naman ng Bulldogs na mamayani sa matira-matibay na ikalawang laro sa stepladder semifinals kontra sa Far Eastern University upang magbalik sa kampeonato.

Kapwa naman binigo sa isang laro lamang sa semifinals ng La Salle ang nakatapat na University of Santo Tomas Tigresses upang tumuntong sa ikasiyam nitong diretsong  kampeonato habang tinalo ng Season 79 runner-up Ateneo ang nakatapat na FEU Lady Tamaraws upang makaharap muli ang matinding karibal para sa korona.

Nagwagi ang La Salle kontra UST sa loob ng apat na set, 25-14, 25-20, 24-26, 25-13, habang namayani ang Ateneo kontra FEU sa apat na set, 25-22, 25-10, 16-25, 26-24.

Hindi nagpaunlak ang La Salle makita ang isinagawa nitong pagsasanay para sa kampeonato dahil sa dalawang beses itong tinalo ng Ateneo sa loob lamang ng apat na set sa kanilang paghaharap sa eliminasyon na ang una ay noong Marso 4, 24-26, 24-26, 25-21, 17-25, at noong Abril 8, 25-12, 20-25, 21-25, 19-25.

“We are determined to maintain our crown,” sabi lamang ni La Salle coach Ramil de Jesus nang makausap sa pagtungo nito sa 60th Palarong Pambansa sa Antique.

Read more...