Ang utak ni Bato napunta sa malaking braso

NAPAKAGANDANG tanawin para sa ordinaryong mamamayan na maraming pulis sa Makati, Pasay at Maynila sa bawat kanto noong mga araw na ginaganap ang ASEAN summit.

Kampante ang taumbayan sa kanilang kaligtasan dahil sa mga unipormadong mga alagad ng batas.

Nagkukumpulan ang mga pulis sa bawat kanto at mga kalye na maaaring daanan ng mga delegado ng summit.
Pero di nagtagal ay naglaho ang mga ito nang nagsialisan na ang mga ASEAN summit delegates.

Parang bumalik na ang pagiging alisto ng mga mamamayan sa kanilang paglalakad sa kalye at sa mga sasakyang pampubliko.

Balik sa dating gawi ang pakiramdam ng taumbayan na baka sila ay mabiktima na ng masasamang-loob.

Malaki ang nagagawa ng maximum police presence sa kalye dahil pakiramdam ng mga mamamayan ay ligtas sila sa mga krimen.

***

Pero, may ilang bagay na pupunahin lang ang inyong lingkod bilang journalist na matagal na nag-cover ng police beat.

Una, nagkukumpulan ang mga pulis sa isang lugar at hindi man lang naglalalakad.

Para silang tamad maglakad at nakaupo lang o nagsasatsatan lang sa isang lugar.

Maraming nakababad sa kani-kanilang mga cellphone at nagti-text. Ang iba naman ay nagdadaldalan lang at hindi tinitingnan ang mga taong nagdaraan.

Kung may isang gustong maghasik ng lagim ay puwede silang hagisan ng granada o ratratan ng machine pistol at marami sa kanila ang masasawi.

Ang mga taong nagkukumpulan ay madaling tamaan ng bala o sabugan ng granada kesa doon sa mga taong nakakalat.

Dapat ay naglalakad sila ng dalawahan so they could cover more area.

Wala sa kanilang mga mukha ang magbantay sa kaligtasan ng mamamayan.

Parang napilitan lang sila na magbantay dahil iniutos lang sa kanila ng mga nakatataas.

Parang takot sila na maarawan kaya’t nasa lilim sila ng mga tolda o mga gusali.

Namputsa! Bakit pa sila nagpulis kung ayaw nilang umitim sa sinag ng araw?

***

Dapat ay ipinakikita ng isang pulis ang kanyang dedication to duty sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas sa kanyang pagkilos.

Halimbawa, sa halip na nakatindig lang sa kanto at nakikipagdaldalan ay dapat nagroronda ito para mapigil ang kung anomang balak ng isang criminal mind na mambiktima ng mamamayan.

Sayang lang ang pinasusuweldo ng taumbayan sa inyo at tutulog-tulog kayo sa inyong trabaho!

Ang dapat gawin ng isang unipormadong pulis ay palingon-lingon at patingin-tingin sa kanyang paligid.

Matatakot ang isang gustong gumawa ng krimen kapag nakita niya ang isang pulis na malikot ang mga mata.

Ito ang tunay na trabaho ng isang pulis: Ang mapigil ang masamang gawain sa kalye kesa habulin ang masamang tao na nakagawa na ng krimen.

***

Magandang senyales ang ipinakita ni US President Donald Trump sa pagtawag kay Pangulong Digong upang yayain ito na dumalaw sa Estados Unidos.

Ibig sabihin ay nagpakita ng paggalang sa ating bansa si Trump sa kanyang pagtawag sa ating Presidente kahit na tayo’y isang maliit lamang na bansa.

Nabasa ni Trump na si Mr. Duterte ay itinuturing na No. 1 most influential leader sa buong mundo sa survey ng Time magazine kaya’t nagbigay galang ito kay Mano Digong.

For too long, the US has taken the Philippines for granted even if we have been a long-time
ally of the US.

Ang turing nila sa atin kasi ay kanilang mga “little brown brothers” at hindi nila kapantay.

It’s high time we showed them to give us the respect that we deserve.

***

Ipinagtanggol ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police o PNP, ang sikretong selda sa police station sa Tondo, Maynila kung saan ay ikinulong ang mga drug suspects na parang mga baboy na kakatayin.

Balewala raw sa kanya ang balita na paglabag ng karapatang pantao ng mga suspects basta hindi raw kinuwartahan ang mga ito.

Anong pinagsasabi ni Bato? Ang balita ay ikinulong sila sa maliiit na selda habang wala pa silang nilalagay sa mga pulis!

Talagang gunggong itong PNP chief natin!

May kasabihan na kapag masyadong malaki ang mga braso ng isang tao ay napunta ang utak niya sa mga braso at nawala na ang utak sa ulo.

Read more...