KUNG sa tingin ng ilang administration congressmen ay nakalimutan na namin ang pangako/banta nila kay Speaker Pantaleon Alvarez bago magsara ang sesyon ng Kamara noong isang buwan, aba e nagkakamali sila.
Naka-welding kaya sa kukote namin ang sinabi nila na reklamo sa ethics committee at disbarment case ang isasalubong nila sa pagbubukas ng sesyon sa Mayo 2 kontra kay Alvarez dahil sa pagkakaroon nito ng kerida.
Sir/ma’am, ano bang petsa na?
Kung ‘di n’yo itutuloy ang plano, iisipin namin na naduwag na kayo sa mga pagrepeke ng bibig at panunuya sa inyo ni Speaker.
Ano na nga ba ang bwelta niya sa inyo noon nang ipa-media n’yo ang hakbang n’yo na ‘yan? “Bring it on…If someone wants to disbar me for having a girlfriend, go ahead and file a complaint. Maybe there will be no lawyers left.”
Di pa nga nakuntento itong si Alvarez at nandamay pa e. “My God, you people. Who doesn’t have a girlfriend?” hirit niya na parang sinasabing kapag ang bawal ay ginagawa ng marami, hindi na bawal.
At porke tanggap na ng mga constituents niya at iba pang taong nasa paligid niya (kabilang na ang BFF niyang si Pangulong Duterte) ang sitwasyon nila ni Jennifer Maliwanag Vicencio, ang labag sa batas ay pwede nang maging kalakaran?
Baka naman may gustong magpaalala sa inyo kay Speaker na marami nang na-disbar ang Supreme Court na abogado’t abogada na may kabit, lalo na ‘yung mga nakatalaga sa gob-yerno.
Sir, ma’am, ayon sa Section 2 ng Code of Conduct and Ethical and Standards for Public Officials and Employees, patakaran ng estado na itaguyod ang mataas na pamatayan ng kagandahang asal sa pagseserbisyo sa bayan. Maliwanag pa sa sikat ng araw ‘yan na lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno ay inaasahang magtatagu-yod po ng moral values!
Bilang abogado, saklaw ang Speaker ng Code of Professional Responsibility.
Basahin nga natin nang sabay-sabay ang sinasabi ng Rule 1.01: “A lawyer shall not engage in unlawful, dishonest, immoral or deceitful conduct.”
Sinasabi naman sa Rule 7.03, Canon 7 na, “A lawyer shall not engage in conduct that adversely reflects on his fitness to practice law, nor shall he, whether in public or private life, behave in a scandalous manner to the discredit of the legal profession.”
Isa pa, kung di n’yo ilalarga ang mga kaso kontra kay Alvarez, magmumukha kayong mga ipokrito matapos n’yong ilarawang imoral at sampahan ng kaparehong mga kaso si Sen. Leila de Lima makaraaan maibandera ang relasyon nito sa dating driver/bodyguard na si Ronnie Dayan.
Mabuti rin at di ginantihan ng concubinage itong sina Alvarez ng kanyang estranged misis na si Emelita nang tanggalan ng opisina sa Kamara ang Congressional Spouses Foundation Inc., ang grupo ng mga asawa ng kongresista na pinangungunahan ng huli.
Base sa Article 334 ng Revised Penal Code, parurusahan ang “any husband who shall keep a mistress in the conjugal dwelling or shall have sexual intercourse, under scandalous circumstances, with a woman who is not his wife, or shall cohabit with her in any other place.”
Inuulit po namin: Ano’ng petsa na? Handa na ba ang reklamo?