PAGKATAPOS nang mahabang panahon ay nalaman din ng aming source ang katotohanan tungkol sa matagal nang kuwento na kapag nagkakaroon ng concert ang isang female performer ay mga back-up singers niya ang bumabanat sa matataas na tono.
Matagal na kasing kuwento ‘yun, kesyo may mga umaako raw sa matataas na tono kapag nasa entablado na ang female performer, pero wala namang makapagpatotoo nu’n dahil walang aamin siyempre mula sa produksiyon.
Pagkatapos nang maraming taon na hindi na gaanong aktibo sa pagko-concert ang female singer ay saka lang may nakapagkuwento na ganu’n nga ang nangyayari, may sumasalo sa kanya sa sobrang matataas na nota, kaya kampante ang kanyang performance.
Sabi ng aming source, “In fairness, mataas din naman ang range ng voice ni ____ (pangalan ng female performer), mas mataas pa nga ang boses niya kesa sa iba diyan, kaya lang, kapag dalawang oras na ang singer sa entablado, e, nangangailangan na rin siya ng support.
“Natural, dahil babad siya sa stage, kanta nang kanta, nagbabago na ang texture ng boses kung minsan. May iba ngang singers na bigla na lang pumipiyok, di ba? Kasi nga, gastado na ang boses pag ganu’n!
“Kaya nga napakalaki ng advantage ng mga singers na banat na banat ang boses, ‘yung ensayado talaga sa mahabaang performance. Kaya nilang mag-show nang kahit tatlong oras na sila lang ang nakababad sa stage,” simulang kuwento ng aming impormante.
Ganu’n nga kuno ang ginagawa ng female performer nu’ng kasagsagan ng kanyang popularidad sa concert scene. May mga back-up singers na sumusuporta sa kanya.
“Optional naman ‘yun. Tsine-check naman siya kung kaya pa niya sa bandang huli. Kung kaya pa, go lang siya, pero kapag masyado nang gastado ang voice niya at may possibility na pumiyok siya, nandu’n lang ang back-up singers niya para sumalo.
“Minsan-minsan lang ‘yun, kapag puyat na puyat siya, kapag sunud-sunod ang concert niya. Totoo ‘yun, hindi lang naman siya ang gumagawa ng ganu’n, marami sila!” pagtatapos nga ming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilalang-kilala n’yo kung sino ang female personality na ito, may titulo siya sa mundo ng musika na matagal niyang hinawakan. Getlak n’yo na?