LUMUTANG na ang chief of police ng Maddela, Quirino matapos dukutin ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) nang lusubin ang lokal na police station kagabi, ayon sa pulisya.
Tinangay si Chief Insp. Jhun-jhun Balisi, Maddela police chief, ng daan-daang armadong kalalakihan na bumaril at nakapatay kay PO2 Jerome Cardenas, ng Maddela police.
Nauna nang napaulat na dinukot ang nakaduty na opisyal na si SPO4 Antonio Siriban at isang pulis na si PO2 Albano, bagamat pinakawalan din kahapon ng umaga.
Inako ng NPA Venerando Villacillo Command ang isinagawang raid na nagresulta sa pakikipagbarilan sa mga pulis.
Tinangay ng mga rebelde ang mga baril ng mga pulis at tatlong sasakyan bago tumakas papuntang paanan ng burol sa barangay Manglad.
Sinunog din umano ng mga armadong lalaki ang isang dump truck na pagmamay-ari ng RBI Jr. Construction Company, na gumagawa ng daan sa lugar.
Nagtayo na ng mga checkpoint sa lahat ng posibleng daanan ng mga armadong lalaki sa mga probinsiya ng Quirino, Isabela at Nueva Vizcaya.