No helmet, mas oks | Bandera

No helmet, mas oks

Lito Bautista - April 28, 2017 - 12:10 AM

MAGPIGIL sa sarili. Maglamay ‘pagkat aali-aligid ang diyablo, ang kaaway, nag-aabang ng masisilo. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Pt 5:5b; Slm 89:2-3, 6-7, 16-17; Mc 16:15-20) sa ikalawang linggo ng Pasko ng Pagkabuhay sa kapistahan ni San Marcos.

Nauunawaan ko ang pangamba ng ating mga kabaro sa Cebu hinggil sa Abu Sayyaf. Walang nagsasabi na “Abu Sayyaf-free” ang Cebu, bagaman ito ang iginigiit “for business purpose.” Ayon sa kanila, nariyan lang ang mga terorista; o naghihintay lang ng tiyempo. Anila, kapag sa Cebu naghasik ng lagim ang Abu Sayyaf, hudyat na ito ng pagbagsak ng bansa sa ISIS.

Wala sa radar ng tiktik ng gobyerno ang Pasil Fish Port. Maraming pump boat ang naglalayag dito mula Inabanga at Clarin, Bohol. Ayon sa ilang bangkero, may mga pasahero silang Moro bago sumiklab ang bakbakan sa Bohol. Ngayon lang naghigpit ng seguridad, nakapaglungga na ang terorista.

Kung ang PNP ay sangkot at protektor ng droga, gayon din pala sila sa Abu Sayyaf (bakit kasi makalaglag-panty ang mga guwapong Abu Sayyaf). Kung sangkot at protektor ng droga ang tiwaling mga pulis nang dahil sa pera, mas lalo ito sa Abu Sayyaf dahil ang kubransa ay P30 milyon sa bawat bihag. At napakarami pa ang bibihagin.

Noong 1996, naisulat ko sa Bandera Patrol ang kaduda-dudang pagbaha ng puhunan ng negosyanteng Moro sa Manggahan, QC; Bagong Silang, Caloocan at Greenhills. Extended families at magkakakilala sila. Iyon ang taon na mabilis ang bayaran ng ransom, pero walang makapagsabi kung ang bumabahang puhunan ay kusnit ng ransom.

Si Jose Aspiras ang nagpalago ng turismo kahit martial law. Sumirit ang turismo noong 1975 at tinanggap ang walk-in applicants bilang tourist guide sa Agrifina Circle. Sa kabila ng diktadurya, na hindi naman naramdaman ng taumbayan, marami ang nagka-hanapbuhay dahil sa turismo.

Buhay pa si Floro Mercene, tagapagsalita ni Smokin’ Joe. Hindi nahirapan si Aspiras na ialok ang bansa sa mga turista, na karamihan ay matatandang Kano (dolyares). Si Ferdinand Marcos mismo ang naglatag ng oportunidad: stable government, peaceful surroundings.

Hindi inilatag ni Rodrigo Duterte ang oportunidad. Kinanlong ni Digong ang NPA, malambot siya sa Abu Sayyaf, MILF, Maute, BIFF at mga terorista’t extortionist sa Mindanao. May operasyon na ang Abu Sayyaf sa Central Visayas at malapit nang sumabog ang mga bomba ng Moro sa Luzon.

Kahindik-hindik daw ang pamumugot ng Abu Sayyaf. Kung hindik, bakit di kayang pahintuin ng gobyernong palamura? Kahindik-hindik ang pamumugot ng ulo ng mga sundalong Hapon sa bihag na mga Pinoy, sundalo man o sibilyan. Binabayoneta habang nakatalikod. Pag humihinga pa, bayoneta hanggang mamatay.

Kahindik-hindik ang ginawa ng Hapon sa mga bata. Ihahagis paitaas saka sasaluhin ng bayoneta. Hahawakan sa dalawang paa saka ihahampas ang ulo sa puno ng niyog, tulad ng nasaksihan ng aking ama sa Binangonan, Rizal. Si Catalina Bamba, lola ko rin, ay nakita ang pagbayoneta sa lalamunan ng tinedyer na sinita checkpoint ng Hapon sa Mendiola. Kay daling maglaho ng ala-ala.

Di sinita ng mga pulis sa ilang bayan sa Bulacan ang mga nakamotor na walang helmet, isang buwan bago mag-Semana Santa. Bumaba ang bilang ng binaril at napatay ng riding in tandem (maraming CCTV sa Bulacan). Pag may helmet o hood, pinapara at kinikilala.

PANALANGIN: O makapangyarihang prinsipe ng kalangitan, ipagsanggalang mo kami sa lahat ng pakikipaglaban. Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

REKLAMO ng bayan (0916-5401958; [email protected]): Dumami ang mga batang nangangalabit at nanghihingi ng pera sa Novaliches, lalo na sa labas ng simbahan. Pag binigyan ng piso, isosoli at hihingi ng P5 o P10. …7600

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending