SASANDIGAN ng Perlas Lady Spikers ang kombinasyon ng ekspiriyensa at kabataan sa pagsisimula nito ng kampanya kontra kina Alyssa Valdez at Creamline Cool Smashers sa Linggo sa pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Magsasama-sama ang sanay na sa labanan na sina Amy Ahomiro, Sue Roces, Dzi Gervacio, Ella de Jesus, Sasa Devanadera at Jem Ferrer na dadagdagan ng mga beterano na sa internasyonal na paglalaro na sina Rupia Inck ng Brazil at Naoko Hashimoto ng Japan bilang kanilang mga reinforcement.
Dinagdagan sila ng mga bata at puno ng enerhiya na manlalarong sina Kat Bersola at Nicole Tiamzon, na kakatapos pa lamang sa pagkumpleto sa kanyang limang taong paglalaro para sa University of the Philippines Lady Maroons upang palakasin pa lalo ang komposisyon ng Perlas.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Mae Tajima at Amanda Villanueva.
“The core of the squad has so much experience and we welcome the addition of Kat and Nicole, they will give this team energy,” sabi ni Perlas head coach Jerry Yee.
Si Hashimoto, na miyembro ng Japan national team at naglalaro para sa powerhouse Bangkok Glass at kabilang sa Japan team na nagwagi ng pilak noong 2013 Asian Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand, ay dumating na sa bansa nitong nakaraang linggo at agad na nakipag-ensayo sa koponan.
“She is 34 years old and has so much international experience. She can block and she can also hit,” sabi ni Yee ukol sa 5-foot-8 na si Hashimoto.
Agad na masusubok ang Perlas Lady Spikers sa pagsagupa nito kina Valdez at Cool Smashers sa tampok na laro sa nakatakdang tatlong laban sa ganap na alas-6 ng gabi sa Linggo.
“We all know they have strong imports and they have Alyssa Valdez,” sabi ni Yee.
Ipaparada ng Creamline ang Amerikana na si Laura Schaudt at Kuttika Kaewpin bilang mga import.